Home NATIONWIDE Pagpapadala ng 32,000 buko sa Liberia, posibleng magbukas ng bagong export market

Pagpapadala ng 32,000 buko sa Liberia, posibleng magbukas ng bagong export market

1
0

DAVAO CITY, Philippines – Nagpadala ang Pilipinas ng 32,000 piraso ng sariwang buko sa Liberia sa Africa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) at Abante Agri-Products Philippines Inc., na posibleng magbukas ng bagong pamilihan para sa produktong niyog ng bansa.

Iniluwas ng kumpanyang nakabase sa Davao City ang mga buko patungong Monrovia, kabisera ng Liberia, gamit ang dalawang 40-foot refrigerated container. Tinatayang 50 metriko tonelada ang kabuuang kargamento na nagkakahalaga ng USD 22,400 batay sa Free on Board (FOB).

Bawat container ay may 16,000 piraso ng buko na nakalagay sa 800 sako, na may tig-20 piraso bawat sako.

Sa tulong ng Ministry of Agriculture ng Liberia, nakatakdang ipamahagi bilang donasyon ang mga buko sa mga pamayanang rural upang suportahan ang mga feeding program at matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya.

Gumamit ang CMA CGM ng Smart Reefer Container technology upang mapanatili ang kalidad ng mga produkto habang iniluluwas.

Ayon sa DA, maaaring magsilbing daan ang pagpapadala upang makapasok ang mga produktong niyog ng Pilipinas sa merkado ng Kanlurang Africa, mapalawak ang mga bansang pinagbebentahan ng mga produktong agrikultural at makalikha ng dagdag na oportunidad para sa mga magsasaka at exporter.

Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang kahalagahan ng pagbubukas ng mga bagong pamilihan at pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapalakas ang agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka.

“Ang pagpapalawak sa mga bagong pandaigdigang pamilihan ay lumilikha ng mga oportunidad para sa ating mga magsasaka ng niyog at mga exporter,” ani Tiu Laurel. “Ang hamon ay kung paano natin gagawing tuluy-tuloy ito sa pamamagitan ng mga paunang pagpapadala, upang makapagbigay ng mas magandang kita sa ating mga magsasaka at mapalakas ang industriya ng niyog sa Pilipinas.”

Sinuportahan ang pagpapadala ng DA Regional Field Office XI, sa pangunguna ni Regional Executive Director Macario Gonzaga, sa pamamagitan ng Agricultural Marketing Assistance Division nito, at ng Philippine Coconut Authority Region XI.

Gayunman, nakasalalay pa rin sa pagkakaroon ng mga susunod na order kung magiging tuluy-tuloy ang pag-export at kung makatutulong ito sa pagtaas ng demand at presyong matatanggap ng mga magsasaka ng niyog. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here