MANILA, Philippines – Upang paghusayin ang maritime security at pangalagaan ang mga borders sa Southwestern Philippines sa Western Mindanao Command (WestMinCom) sa Zamboanga, nakibahagi ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pag-activate ng Joint Task Force (JTF) poseidon.
Ayon sa Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM), ang pag-activate ng JTF Tawi-Tawi ay sinaksihan ng Maritime Security Law Enforcement Command (MARSLEC) na si Commander, CG Vice Admiral Robert Patrimonio, at CGDSWM & BARMM Commander, CG Commodore Marco Antonio Gines.
Pinangunahan ang seremonya ni JTF Poseidon, Naval Forces Western Mindanao Commander, Rear Admiral Francisco Tagamolila Jr, kung saan ang inisyatiba ay magpapatibay sa mga kakayahan ng pagtatanggol sa loob ng Joint Area of Operations o (JAO) ng WestMinCom.
Ang pagtutulungan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na nagtataguyod ng maritime security at maritime law enforcement ay kinilala ni Presidential Assistant on Maritime Concerns, Secretary Andres Centino.
Pinuri naman ni CG Vice Admiral Patrimonio, ang hindi natitinag na dedikasyon ng WestMinCom sa pangangalaga sa integridad ng teritoryo at ipinahayag ang buong suporta ng Coast Guard sa mga operasyon ng JTF Poseidon upang ipatupad ang mga batas pandagat, labanan ang mga ilegal na aktibidad, tiyakin ang katatagan ng dagat, at protektahan ang maritime domain ng ating bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden