MANILA, Philippines – Ganap nang inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong pahabain ang validity ng Professional Regulation Commission (PRC) identification cards mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong limang taon.
Layunin ng House Bill (HB) No. 8876 na pagaanin ang pasanin ng milyun-milyong Pilipinong propesyonal sa madalas na pagpila at gastos sa renewal ng kanilang mga Professional Identification Cards (PIC).
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang lahat ng PIC na ibinibigay ng PRC ay magkakaroon na ng limang taong bisa.
Ayon kay Leyte Rep Martin Romualdez, isa sa mga pangunahing may-akda ng bill, malaking tulong ito upang mabawasan ang red tape at makapag-pokus ang mga propesyonal sa kanilang mga trabaho.
“Sa panahon ngayon, mahalaga na mapagaan natin ang gastos at abala ng ating mga propesyonal. Sa pagpapalawig ng validity ng PRC IDs mula tatlo tungo sa limang taon, mas mabibigyan natin sila ng panahon para mag-focus sa kanilang trabaho, kabuhayan, at serbisyo sa bayan kaysa sa paulit-ulit na proseso ng renewal,” pahayag ni Romualdez.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang mga guro, nurse, engineer, accountant, at iba pang lisensyadong eksperto ay mga haligi ng ekonomiya kaya nararapat lamang na gawing simple, mabilis, at makatao ang proseso para sa kanila.
Siniguro naman ni House Majority Leader Sandro Marcos na ang hakbang na ito ay bahagi ng adbokasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-modernisa ang serbisyo ng gobyerno.
“Professionals should not have to spend unnecessary time and money on frequent renewals when we can provide a more efficient system without compromising professional standards and regulation,” ani Marcos.
Inaasahan din na sa oras na maging ganap na batas, luluwag ang appointment system ng PRC dahil mababawasan ang bilang ng mga taunang transaksyon para sa renewal.
Inaatasan din ng panukala ang Information and Communication Technology Service ng PRC na tapusin ang mga kinakailangang upgrade sa Licensure Examination Registration Information System (LERIS) sa loob ng anim na buwan matapos maging epektibo ang batas. Gail Mendoza