Home NATIONWIDE Pagpapalayas sa POGO workers sa loob ng 2 buwan oks sa Senado

Pagpapalayas sa POGO workers sa loob ng 2 buwan oks sa Senado

194
0

MANILA, Philippines- Suportado ng ilang senador ang pahayag ng Bureau of Immigration (BI) na dapat umalis sa loob ng dalawang buwan ang lahat ng dayuhang manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) o Internet Gaming Licensees (IGLs), kabilang ang service providers.

Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi nina Senador Risa Hontiveros at Joel Villanueva na dapat paalisin ang lahat ng dayuhang manggagawa na may kaugnayan sa POGO.

Sinabi ni Hontiveros na dapat tiyakin ng awtoridad na mapaaalis ang lahat ng illegal POGO alinsunod sa direktiba na ipagbawal ang organisasyon sa bansa.

Ipinasasama rin ni Hontiveros ang puganteng kriminal o miyembro ng sindikato na nagtatago sa likod ng POGO at patuloy na gumagawa ng krimen sa loob at labas ng bansa.

“Mukhang mas marami ang mga iligal na POGO kaya mas malaking hamon ito para sa ating mga ahensya na mapaalis sila sa bansa,” ani Hontiveros.

“Nonetheless, we must ensure humanitarian treatment toward foreign workers, especially those who may have been trafficked into these legal or illegal POGOs/IGLs,” giit ng senadora.

Para naman kay Villanueva, dapat madaliin ang pagpapalayas ng POGO workers, ilegal man o hindi, sa lalong madaling panahon sa pagsasabing “the sooner, the better.”

“Mahalaga pong magkaroon ng koordinasyon ang BI at PAGCOR para siguruhing accounted for ang lahat ng mga foreign POGO workers na kailangan nang lumisan sa bansa,” ayon kay Villanueva.

Nanawagan din si Villanueva sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na sundin at tuparin ang direktiba sa pagbabawal sa POGO partikular ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Kasabay nito, muling ipinanawagan ni Senador Alan Peter Cayetano na ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling, hindi lamang POGO, kundi maging ang e-sabong na lubhang dumudurog sa pagpapahalaga (values) ng kabataan.

“Ako yung siguro pinaka-outspoken, even when I was (House) Speaker, against all forms of gambling especially online e-sabong and POGO,” sabi ni Cayetano.

“That’s why, to this date, the city of Taguig did not allow any POGO operations. It’s because, now, it’s just like legal gaming forms – parating may unintended consequences yan,” dagdag niya.

Noong 2022, naghain si Cayetano ng Anti-Online Gambling Act o Senate Bill No. 63 upang ipagbawal ang anumang uri ng pagsusugal sa internet at magpataw ng mga parusa sa online wagering at betting.

Kasama ang panukalang ito sa tinalakay ng Senate Committee on Ways and Means sa pagdinig sa susunod na panahon upang mapabuti ang regulasyon ng bansa sa online gambling.

Binanggit din ni Cayetano na dapat alalahanin ang mga posible pang epekto ng online gambling sa mga Pilipino at sa susunod na henerasyon.

“Ano ba y’ung tinatanim natin sa next generation? Wala pa akong country na nakikita [na tumatangkilik] sa mga online gaming na talagang umunlad,” giit niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here