Home NATIONWIDE Pagpapatayo ng mga klasrum wala na sa ilalim ng DPWH

Pagpapatayo ng mga klasrum wala na sa ilalim ng DPWH

329
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na direktang ibigay sa mga local government units (LGUs) ang pondo para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan upang mapabilis ang pagtugon sa matinding kakulangan ng mga klasrum sa buong bansa.

Ang desisyong ito ay itinuturing na pagkawala ng kumpiyansa sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos nitong mabigong makumpleto ang malaking bahagi ng mga proyekto at dahil na rin sa mga alegasyon ng katiwalian sa ahensya.

Ayon kay Palace press officer Claire Castro, nakatakdang lumagda ang Department of Education (DepEd) at DPWH ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang mga LGU upang maisakatuparan ang bagong sistema.

“The President wants the classroom shortage to be addressed as soon as possible for the benefit of the students. Slow action is not acceptable — that is the President’s directive,” ani Castro.

Ang utos ay kasunod ng pag-amin ni Public Works Secretary Vince Dizon sa Senado na 22 klasrum pa lamang sa target na 1,700 para sa 2025 ang natatapos ng DPWH.

Tinawag ni Dizon na “very deplorable performance” ang mabagal na galaw ng ahensya, na may 882 proyekto pang ginagawa at 882 rin na hindi pa nasisimulan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), hindi sapat ang target na 1,700 klasrum dahil tinatayang may kakulangan na 165,000 classrooms sa bansa, na posibleng umabot sa 200,000 pagsapit ng 2028.

“This is enraging considering that many teachers and students are suffering from our situations in classrooms,” ayon kay ACT chair Ruby Bernardo. “Thousands of students are being crowded in small classrooms and some classrooms are being divided.”

Sa ilalim ng bagong MOA, direktang ibababa sa LGUs ang pondo para sa pagpapatayo ng mga klasrum, habang ang DepEd at DPWH ay magsisilbing tagasubaybay sa progreso ng mga proyekto. Target umano nitong makumpleto ang 2,370 classrooms, ayon kay Castro.

Nagtakda ang DepEd ng ₱912-bilyong budget para sa susunod na taon, kung saan ₱63 bilyon ang inilaan para sa Basic Education Facilities Fund (BEFF).

Plano rin ng DepEd na makipagtulungan sa engineering brigades ng militar at sa mga pribadong grupo sa ilalim ng public-private partnerships upang madagdagan ang bilang ng mga klasrum.

Sinisi ng DepEd ang mabagal na konstruksyon ng DPWH sa “heavy workload” nito, kabilang ang mga proyekto sa kalsada, tulay, flood control at iba pang imprastraktura.

“It seems they got too engrossed with constructing flood control projects, to be frank about it,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Tinuligsa naman ng ACT ang “outsourcing” ng tungkulin sa LGUs at pribadong sektor. “Instead of outsourcing its responsibility, the Marcos administration and the DepEd must fix and streamline the classroom construction process,” ani Bernardo.

Nanawagan din siya na itaas ang pondo sa edukasyon sa 6% ng gross domestic product (GDP) alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.

“While billions are wasted on corruption, public schools continue to suffer from the lack of teachers, education support personnel, classrooms, textbooks and basic facilities,” dagdag pa niya.

Nangako si Marcos na magpapatayo ng 40,000 classrooms bago matapos ang kanyang termino sa 2028.

Mula Hulyo 2022 hanggang Agosto 2025, 19,250 classrooms na ang natapos ng DepEd at DPWH, na nagbawas ng backlog mula 165,443 tungo sa 146,193.

Inaasahan ng Palasyo na makumpleto pa ng DPWH ang 200 classrooms bago matapos ang taon at 822 classrooms pagsapit ng ikalawang quarter ng 2026. Sa ikatlong quarter ng susunod na taon, dapat umanong tapos na ang 2,000 classrooms. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here