MANILA, Philippines — Paiigtingin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kampanya laban sa mga colorum delivery service o mga operator na nagbibigay ng serbisyo nang walang kinakailangang permit mula sa pamahalaan.
Ayon kay LTFRB acting chairperson Greg Pua Jr., pinagsama-sama na ng ahensya ang mga legal na batayan ng kampanya, kabilang ang legal opinion ng Department of Justice at mga desisyon ng Supreme Court, upang mapalakas ang mga kasong isasampa laban sa mga lumalabag.
Target ng operasyon ang mga operator na naghahatid ng mga produkto para sa online shopping platforms nang walang kaukulang permit, kasunod ng mga reklamo mula sa mga lehitimong delivery service operator.
Binalaan ni Pua ang mga sangkot sa ilegal na operasyon na itigil na ang kanilang aktibidad dahil hindi mag-aatubili ang ahensya na magsampa ng mga kasong kriminal laban sa kanila.
“So this early, we warn those engaged in illegal delivery services to refrain from doing it now for your own sake because we will not hesitate to file as many criminal cases against all those involved,” aniya.
Ayon sa LTFRB, muling oryentasyon ang ibinigay sa mga enforcement personnel upang mahigpit na kumpiskahin o i-impound ang mga sasakyang ilegal na ginagamit, alinsunod sa mga itinatakda ng Konstitusyon.
Maaari na lamang mailabas ang mga na-impound na sasakyan sa pamamagitan ng utos ng korte, kahit nabayaran na ang kaukulang multa.
Nagkakahalaga naman mula ₱200,000 bawat sasakyan hanggang ₱2 milyon ang mga parusa sa ilang paglabag, kabilang ang mga paglabag sa batas sa pagmamay-ari ng mga dayuhan. Maaari ring mapatawan ng hanggang 12 taong pagkakakulong sa ilalim ng Public Service Act.
Gayunman, sinabi ni Pua na handa ang LTFRB na tulungan ang mga operator na nais gawing legal ang kanilang negosyo.
“What we can assure you is that the LTFRB is ready to assist anybody to legalize their operation. That is our commitment to those who are engaged in this illegal activity,” aniya. RNT/MDS