Home METRO Pagpatay sa barangay chairman kinondena ng mayor

Pagpatay sa barangay chairman kinondena ng mayor

MANILA, Philippines- Mariing kinondena ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang walang habas na pagpatay kay Barangay Buli Chairman Ronaldo “Kaok” Loresca.

Sa nakarating na report kay Mayor Ruffy, Miyerkules ng gabi, bandang alas-10:16 nang walang-awang pinagbabaril si Kap. Kaok sa tapat ng isang tindahan sa M.L. Quezon Street, Brgy. Buli.

Sa initial report ay dalawang lalaking sakay ng motorsiklo, na kapwa hindi nakilala, ang bumaril sa kapitan.

Ipinag-utos na ni Biazon sa kanilang operations center na i-review ang mga CCTV sa lungsod upang magkaroon ng lead sa kaso.

Ipinag-utos na rin ni Biazon sa PNP-Muntinlupa ang agarang imbestigasyon para matukoy ang mga salarin.

“Walang puwang ang karahasan sa Muntinlupa,” sabi Mayor Ruffy.

Buhos naman ang pakikiramay ng local government sa pamilya at mga kaibigan ng biktima. Dave Baluyot