MANILA, Philippines – Itinanggi ni Bise Presidente Sara Duterte ang paratang na siya ang nagpondo ng diumano’y destabilization plot laban sa pamahalaan, na tinawag niyang “chismis”.
Ang akusasyon ay mula kay mamamahayag Ramon Tulfo, na nagbanggit din kay Rep. Paolo Duterte at dating gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson.
“Kapag meron kang alegasyon, wala kang ebidensya, ang tawag niyan ay chismis o ang tawag sa iyo ay chismosa,” ani Duterte sa relief operations sa Negros Occidental.
Ipinahayag din niya na pinayuhan niya si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na maghanda sa posibleng developments sa imbestigasyon ng ICC kaugnay ng kampanya kontra-droga noong nakaraang administrasyon.
“Sinabi ko sa kanya din na ang paghahanda niya magsisimula sa pagpili niya ng isang international law expert at merong experience sa ICC,” dagdag niya.
Binatikos niya ang Malacañang sa pagsasagawa ng concert at book launch habang dumaraan ang Typhoon Tino, at iginiit na dapat maging sensitibo ang mga opisyal sa kalagayan ng mga biktima.
“Hindi na pwede ngayon sa atin na hindi sinasagot yung tanong,” ani Duterte, at nanawagan ng tamang accountability.
Sa relief operations, nagpadala ang Office of the Vice President (OVP) ng mga satellite teams sa Panay at Negros, nagbigay ng mga rice box, water container, at iba pang tulong.
Binanggit niya na mahalaga ang plano at kalmadong pagtugon sa kalamidad, at dapat nangunguna ang mga lokal na opisyal sa kanilang disaster councils sa lugar. Santi Celario