MANILA, Philippines – Iniakyat ng high school teacher na si Barry Tayam sa Supreme Court (SC) ang isyu ng constitutionality ng Senate Resolution No. 44 (SRN 44) na layong protektahan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Tayam, labag sa Konstitusyon ang SRN 44 dahil hindi maaaring bigyan ng immunity si Dela Rosa, lalo’t ang kasong kinahaharap niya ay may parusang reclusion temporal hanggang reclusion perpetua (12 hanggang 40 taon).
Hiniling ni Tayam sa SC na pagbawalan si Dela Rosa na gamitin ang Senado bilang kanlungan at inatasan ang PNP-CIDG at NBI na tumulong sa pagsilbi ng arrest warrant.
Hinamon din niya si Dela Rosa na harapin ang mga kaso laban sa kanya sa korte at patunayan ang kanyang pagiging inosente.
Aniya, hindi makakaiwas sa pananagutan ang pagtatago o pag-iwas sa proseso ng batas.
Sinabi rin ni Tayam na hindi masasabing inosente si Dela Rosa kung takbo nang takbo o tago nang tago. Jocelyn tabangcura-Domenden