Home OPINION PAGPUPUGAY KAY DEAC, DAKILA AT HUWARANG LIDER

PAGPUPUGAY KAY DEAC, DAKILA AT HUWARANG LIDER

185
0

SA kasalukuyang panahon ng pagnenegosyo kung saan mas madalas inuuna ang pansariling interes kaysa kapakanan ng iba, isang napakagandang halimbawa ng pamumuno ang iniwan ni yumaong Dominic Edgard Angeles Cabangon o DEAC para sa mga nakakakilala sa kanya.

Si DEAC bilang isang lider ay nagpakita ng tunay na diwa ng pag-alalay, pagmamalasakit at kababaang-loob sa kanyang pamilya, katrabaho at kaibigan.

Hindi maikaiila ang kanyang malaking ambag sa larangan ng negosyo at media. Bilang pinuno ng ALC Group of Companies, naging instrumento si DEAC sa pagpapatuloy ng mga adhikaing nagsusulong ng responsableng pamamahayag at serbisyong may puso sa publiko. Sa dami ng mga tinamong titulo at tagumpay, ipinakita niya sa kanyang mga kasama na may silbi ang pamumuhay ng simple.

Sa kabila ng kanyang estado sa buhay, nanatiling mapagkumbaba si DEAC. Iniabot niya ang kaniyang mga kamay upang ipakita ang tunay na suporta para sa mga karaniwang empleyado. Naging saksi ang inyong lingkod kung paano siya nakikinig, nagbibigay-halaga sa bawat opinyon, at hindi matutumbasang pag-alalay hindi lamang bilang isang boss kundi bilang isang ordinaryong tao. Bihira ang mga tulad ni DEAC.

Ang kanyang buhay ay nagsilbing inspirasyon at nagpatunay na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng ari-arian o impluwensya, kundi sa kung paano mo ito ginamit upang makatulong sa iba. Ang kanyang pamana ay hindi lamang mga negosyong kanyang pinatatag, kundi isang kulturang nakabatay sa integridad, respeto, at pagmamalasakit sa kapwa.

Nakalulungkot isipin na may hangganan ang pagbabahagi ng buhay ni DEAC. Nawala man ang isang haligi, pero mas matatag na pundasyon naman ang kapalit.

Mananatiling buhay at inspirasyon si Boss DEAC hindi lamang sa larangan ng pagnenegosyo o istilo ng pamumuno. Habambuhay na kikilalanin ang busilak na pagtrato niya sa kapwa na nag-ugat sa walang maliw na pag-aaruga at pagmamahal sa kanyang pamilya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here