MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo, Agosto 3, na sisimulan ngayong linggo ang pagsasaayos ng drainage at mga daluyan ng tubig sa mga lugar sa Valenzuela at Bulacan, upang maiwasan ang pag-ulit sa kamakailang baha na tumama sa North Luzon Expressway (NLEX).
Ayon kay Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon, nagpulong noong Sabado, Agosto 2, ang mga opisyal ng Departments of Transportation (DOTr), at Public Works and Highways (DPWH), kasama ang mga kinatawan ng NLEX Corp., Valenzuela City at Meycauayan, Bulacan upang pag-usapan ang action plan.
Sinabi ni Dizon na itinalaga na ng grupo ang trabaho sa mga ahensya, na may 10 daluyan ng tubig na nakatakdang linisin. Ang ilan ay kailangan ding palawakin at hukayin.
Ang pinakamalaking workload ay ang boundary ng Valenzuela at Meycauayan, Bulacan, kung saan magtutulungan ang lahat ng ahensya.
“Magsasama sama kami nun, magtutulungan kami para mapaluwag na ‘yung waterway dun para kahit papaano, kung magbabaha man o matindi talaga ‘yung ulan, eh hindi na katulad nung dati,” aniya.
Sinabi din ni Dizon na inaasahan niyang tuluy-tuloy ang paggana ng daluyan ng tubig sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, upang maiwasan, kung hindi man ay mabawasan, ang pagbaha sa lugar.
Binaha ang ilang bahagi ng NLEX dahil sa kamakailang mga pag-ulan na dala ng sunud-sunod na bagyo at habagat, partikular sa mga lugar sa kahabaan ng Valenzuela Interchange at pagpasok at paglabas ng Paso de Blas. RNT/MND