Home NATIONWIDE Pagsasabatas ng centralized Emergency Response Department, hirit sa Senado

Pagsasabatas ng centralized Emergency Response Department, hirit sa Senado

257
0

MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para sa pagtatatag ng isang centralized Emergency Response Department (ERD) sa gitna ng pananalasa ng Severe Tropical Storm ‘Opong’ na nagdadala ng malalakas na ulan, matitinding hangin, at mapanganib na storm surge sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring makaranas ng “life-threatening” storm surges na aabot sa 1 hanggang 3 metro ang mabababang lugar sa coastal areas ng CALABARZON, Mindoro, Bataan, Bulacan, Metro Manila, at ilang bahagi ng Palawan at Romblon.

Nagbabala rin ang PAGASA ng matitinding pag-ulan at malalakas na hangin sa Hilagang Luzon, kabilang ang Cagayan, Babuyan Islands, Batanes, at Ilocos Region, na direktang tatamaan ng bagyo.

“The present NDRRMC is filled with very committed, dedicated people, and I’ve seen them work. Pero 44 agencies ito na ad hoc ang coordination. Coordinating lang sila,” pahayag ni Cayetano.

“We can’t have an ad-hoc response to disasters every time. Alam naman nating lagi tayong may mga bagyo. Y’ung climate change nandyan. We have to have one department in charge of this and systems in place para ready to respond tayo lagi,” dagdag niya.

Taong 2013 nang simulang isulong ni Cayetano ang panukala, na muli niyang inihain sa Senado nitong July. Layunin ng ERD na magkaroon ng mas episyente, science-based, at people-centered na plano sa disaster management.

Sa ilalim ng panukala, pagsasamahin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC at ang Office of Civil Defense o OCD sa ilalim ng bagong departamento.

Ang ERD ang mangangasiwa hindi lang sa humanitarian assistance ng gobyerno tuwing may kalamidad, kundi pati na rin sa disaster risk reduction bago pa man ito mangyari, at sa rehabilitation efforts pagkatapos ng kalamidad.

Kabilang din sa mandato ng ERD ang pagpapalakas at pagpapatakbo ng 911 Nationwide Emergency Hotline system.

May probisyon din ang panukala para sa pagbuo ng Humanitarian Emergency Assistance and Disaster Fund o HEAD Fund, na kukuha ng hindi bababa sa one percent ng regular revenue ng gobyerno o P25 bilyon, alin man ang mas mataas, para agad na magamit sa oras ng sakuna.

Binigyang-diin ni Cayetano na kahit hindi maiiwasan ang mga kalamidad, ang tamang paghahanda at risk reduction ay makapagliligtas ng maraming buhay.

“We may not be able to stop disasters, but we can empower ourselves with knowledge, training, education, equipment, tools, and the right infrastructure to cope with disasters so many lives would not be lost and there would be less devastation,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here