MANILA, Philippines- Binatikos ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) nitong Miyerkules ang kautusang pagsasama ng “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa flag ceremonies ng mga ahensya ng pamahalaan at mga paaralan, at sinabing ito ay “impractical and unnecessary.”
Ipinaliwanag ni TDC chairperson Benjo Basas na ang pag-awit sa Lupang Hinirang at pagbigkas ng Panatang Makabayan at ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas ay sapat na para sa flag raising ceremony sa mga paaralan tuwing Lunes.
“Napakaganda na ng mga ito. May national consensus, bahagi ng ating cultural heritage. Talaga namang tumatama ito sa ating puso, lalong lalo na ang ating Pambansang Awit,” aniya sa isang panayam.
“Hindi namin nakikita kasi ang practical side na kailangang dagdagan pa dahil aabot ito ng apat na minuto eh nu’ng nag-simulate kami. Mahaba na po,” dagdag niya, na binigyang-diin na makaaapekto ito sa oras ng pag-aaral ng mga estudyante.
Noong Hunyo 4, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Memorandum Circular No. 52 na nag-aatas sa lahat ng national government agencies at educational institutions na gawing bahagi ang “Bagong Pilipinas” (New Philippines) hymn ay pledge ng lingguhang flag ceremonies.
Ikinasa ang kautusan “to further instill the principles of the Bagong Pilipinas brand of governance and leadership among Filipinos.”
Subalit, inamin ni Basas na tatalima ang TDC sa kautusan dahil obligasyon nila ito bilang public school teachers at bahagi ng Department of Education (DepEd).
Sinabi ng DepEd na hindi na ito magkokomento sa kautsan dahil nanggaling na ito sa memorandum circular mula sa Office of the President. RNT/SA