Home NATIONWIDE Pagsasara ng POGO wa epek sa ekonomiya – DILG

Pagsasara ng POGO wa epek sa ekonomiya – DILG

MANILA, Philippines – WALANG masamang epekto sa ekonomiya ng bansa ang ganap na pagsasara ng Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na “As per NEDA, .25 of 1 percent of total GDP (gross domestic product) ang maaapektuhan. We don’t see a significant dent sa economy natin.”

“I think ma-make up naman ‘yan sa mga iba pang mga revenue enhancing measures ng Department of Finance,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, sinabi kasi ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), na inaasahan na ng pamahalaan na mawawalan ito ng P20 billion taun-taon sa inaasahang pagsasara ng mga POGO.

Sa ulat, matatandaang, ipinag-utos ng Malakanyang ang agarang pagbabawal o pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), internet gaming at iba pang uri ng offshore gaming operation sa bansa.

Sa Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Nob­yembre 5, 2024, nakasaad dito na hindi papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aprubahan ang mga bagong lisensya at hindi na rin papayagan ang renewal o extension ng lisensya.

Nakasaad din sa EO ang tuluyang paghinto ng operasyon sa Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa dito.

Inaatasan ang PAOCC, PDEA, PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies na palakasin ang kampanya laban sa illegal POGO habang hiniling ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Samantala, binalaan naman ni Remulla ang mga POGOs na dapat ay mag- “wind down” na simula December 15 , dahil isasara at tutuldukan ang operasyon ng mga ito sa Dec. 31.

Tiniyak naman ni Remulla na personal niyang pangangasiwaan ang pagsasara ng POGO hub sa Island Cove sa Kawit, Cavite sa Disyembre 15 para ipakita ang paglutas ng gobyerno sa pagsasara ng POGO operations sa bansa.