Home OPINION PAGSIBAK MABILIS, PAGKULONG MABAGAL

PAGSIBAK MABILIS, PAGKULONG MABAGAL

244
0

DALAWANG pinuno ng mga ahensya ng pamahalaang Marcos ang mabilis na sinibak at mas mabilis na pinalitan.

Naung sampol si ex-Philippine National Police chief PGen Nicolas Torre III na agad pinalitan ni PLt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Sumunod si Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na agad ding pinalitan ni dating Department of Transportation Secretary Vince Dizon.

Walang anomang paliwanag si Pangulong Bongbong Marcos sa pagsibak kina Torre at Bonoan.

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Pangulo, ano kaya ang susunod?

Sa kaso ni Torre, tila walang susunod na mga kaso gaya ng kriminal at sibil habang may naniniwalang mahaharap si Bonoan sa nasabing mga kaso.

Hintayin na lang natin ang resulta ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa ilalim ni Senator Rodante Marcoleta at ng bubuuing independiyenteng komisyon na mag-iimbestiga sa mga maiskam na anti-flood project.

Pero sino naman kaya ang susunod na biglaang sibakin at palitan?

Kung iisipin, balewala ang mga pagsibak lalo na kung sa pag-alis sa pwesto ng mga sinibak ay makatatanggap ng mga pensyon at benepisyo at walang kasong kriminal at sibil laban sa mga ito.

Pinakamaganda pa rin sana kung may mabilis na makulong.

Pero matagal talaga ang pag-uusig sa kriminal na kaso maliban lang sa katulad ng isang huling-huli sa panunuhol gaya ng isang DPWH engineer sa Batangas.

Ang problema rin sa ganito, eh, kung gagawing state witness ang nanuhol kaya mababalewala ang kaso nito at hindi makukulong.

Dahil sa tagal ng kasong kriminal sa korte, baka walang makukulong sa pagtatapos ng termino ni Marcos.

Baka mangyari ring magsibaligtaran ang mga testigo na magiging mitsa para iitsapwera ng mga huwes ang mga kasong nililitis nila.

Maaari ring piskal o huwes mismo ang mag-dismiss ng kaso sa kawalan o kakulangan ng ebidensya.

Kaya maaaring kabilang sa mga babantayan ang mga testigo, piskal at huwes, lalo na kung amoy misteryoso o milagroso ang kaso.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here