MANILA, Philippines – Mariin na pinabulaanan ni dating Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang mga online posts na nag-uugnay sa kanya sa pahayag na sinisisi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa engkwentro ng Philippine Army at NPA sa Mindoro.
“Mariin kong pinabubulaanan ang mga kumakalat na social media posts na nag-uugnay sa akin sa isang pahayag hinggil sa nangyaring engkwentro sa Oriental Mindoro… Ang mga nasabing posts ay malinaw na huwad, gawa-gawa at kailanma’y hindi nagmula sa akin,” sabi ni Paduano.
Ayon sa kanya, taliwas ito sa kanyang record sa Kongreso at sa patuloy niyang suporta sa pambansang depensa, kabilang ang mga panukala niya para palakasin ang AFP at labanan ang insurgency.
Pinahayag din ni Paduano na kasalukuyan niyang pinag-aaralan ang legal na hakbang laban sa mga gumawa ng pekeng posts.
“Hindi dapat isawalang-bahala ang mga ganitong uri ng panlilinlang… Kasalukuyan nating pinag-aaralan ang lahat ng maaaring legal na hakbang,” dagdag niya.
Hinihikayat din niya ang publiko na maging maingat at mapanuri sa impormasyon online. RNT/MND