MANILA, Philippines – Pinapayuhan ang mga kapitan ng sasakyang pandagat, shipping companies, motorbanca operators, mangingisda at mga residente sa baybayin na sundin ang safety protocols at makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng PCG bago magtungo sa mga lugar na saklaw ng idinadaos na balikatan 2026.
Kasabay nito pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga maritime stakeholders na sumunod sa ipinalabas na abiso lalo na sa mga dumadaan sa bahagi ng Northern Luzon, Southern Luzon, Palawan, Visayas at Eastern Mindanao.
Ayon kay PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab ng PCG, layon ng mga hakbang na matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng military exercises at maiwasan ang insidente sa karagatan.
Hinimok din ang publiko na bantayan ang mga susunod pang anunsyo mula sa opisyal na plataporma ng PCG.
Paalala pa ng PCG, iwasan ang pagpasok sa mga restricted waters upang mapanatili ang kaligtasan sa karagatan at maayos na implementasyon ng Balikatan 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden