Home NATIONWIDE Pagsuporta sa soberanya, pagtutol sa presensya ng dayuhang militar sa PH, ipinanawagan...

Pagsuporta sa soberanya, pagtutol sa presensya ng dayuhang militar sa PH, ipinanawagan ng grupo

94
0

MANILA, Philippines – Sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa sambayanang Pilipino na ipagpatuloy ang diwa ng kabayanihan sa pamamagitan ng pagtutol sa mga digmaang itinutulak ng mga makapangyarihang bansa at sa presensya ng dayuhang militar sa bansa.

Ayon sa ACT, ang Araw ng Kagitingan ay paalala na nagpapatuloy ang laban para sa tunay na kalayaan at soberanya.

Kinundena ng grupo ang patuloy na presensya ng Estados Unidos sa Pilipinas sa pamamagitan ng malalaking joint military exercises tulad ng SALAKNIB na nilahukan ng humigit-kumulang 7,000 sundalo mula sa Pilipinas, US, Japan, at Australia.

Tinawag ng ACT ang mga naturang ehersisyo na hindi para sa depensa kundi paghahanda umano sa digmaan, at mariing tinutulan ang pakikilahok ng mga pwersang dayuhan, kabilang ang Japan, na anila’y dating mananakop ng bansa.

“We must not be deceived,” ayon sa pahayag ng grupo.

Binatikos din nila ang administrasyong Marcos Jr. sa umano’y pagpapalawak ng presensya ng US military sa bansa sa pamamagitan ng EDCA sites at presensya ng mga dayuhang tropa, na anila’y naglalagay sa Pilipinas sa panganib at ginagawa itong bahagi ng estratehiyang militar ng US.

Nagpahayag din sila ng pagkabahala sa digmaan sa West Asia, partikular sa mga pag-atake ng US at Israel sa Iran at Lebanon, na anila’y nagdulot ng malawakang pinsala at pagkamatay.

Kinondena rin nila ang umano’y pananahimik ng pamahalaan sa mga isyung ito at tinawag itong pagpapakita ng pagsunod sa interes ng US.

Nanawagan ang ACT sa publiko na tutulan ang mga kasunduang militar, pigilan ang presensya ng dayuhang tropa, at igiit ang tunay na independiyenteng patakarang panlabas ng Pilipinas. DANNY QUERUBIN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here