Home NATIONWIDE Pagtawag na ‘intelligence work’ sa mga aktibidad ng OVP, ‘di sapat para...

Pagtawag na ‘intelligence work’ sa mga aktibidad ng OVP, ‘di sapat para baligtarin audit compliance sa confi funds – Kapunan

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ng House prosecutors, na ang pagsisikap ng depensa na uriin bilang intelligence o surveillance work ang mga aktibidad na nakasaad sa mga report ng Office of the Vice President (OVP) ay hindi awtomatikong nagpapatunay na tama at may sapat na suporta ang paggasta ng confidential funds alinsunod sa mga alituntunin ng Commission on Audit.

Ginawa ni Kapunan ang pahayag sa gitna ng cross-examination kay Commission on Audit (COA) witness Xylene Mae del Campo sa ika 15 araw ng impeachment trial , kung saan ipinakita ng abugado ng depensa na si Atty. Kristine Ferrer ang mga Protective Intelligence Operations Reports (PIOR) na isinumite ng OVP.

Isa-isang pinatignan ni Ferrer kay Del Campo ang mga aktibidad sa paggamit ng confidential fund tulad ng koordinasyon sa mga intelligence operative ng pulisya at militar, threat assessment, surveillance ng mga venue, profiling ng mga kalahok, at pagpapakalat ng mga impormante sa mga ruta ng Bise Presidente.

“Tingnan natin isa-isa kung ito ba talagang intelligence work o hindi,” ani Ferrer.

Sumang-ayon naman si Del Campo na ang ilang aktibidad na inilarawan sa mga dokumento ay maaaring mapasailalim sa intelligence gathering, surveillance, o confidential work.

Subalit naghain ng pagtutol si Kapunan, at sinabing ang artikulo ng impeachment at ang patotoo ng saksi sa audit ay nakatutok sa paggamit ng OVP ng confidential funds.

“We are not talking about intelligence funds. We’re talking about confidential funds,” giit ni Kapunan.

“All the questions referred to intelligence funds, when the topic today is confidential funds.” paglilinaw nito.

Nang tanungin kung bakit nanatiling disallowed o bawal ang mga gastusin sa kabila ng mga isinumiteng PIOR at sertipikasyon ng OVP, pinaninindigan ni Del Campo na hindi sapat ang mga naturang dokumento bilang patunay ng naisakatuparan o bigyang katwiran ang mga ginastos.

“Hindi po sufficient iyong PIOR and certification na evidence na nagpapakita ng success ng information gathering,” paliwanag ni Del Campo.

Nagtanong din ang depensa kung ang isang matagumpay na surveillance na pumigil sa isang insidente ay maituturing nang patunay ng tagumpay ng operasyon. Tumutol dito si Kapunan at tinawag itong hypothetical na tanong. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here