Home OPINION PAGTUPAD SA PANGAKO NG MGA NAGWAGI SA 2023 BSKE, ISULONG

PAGTUPAD SA PANGAKO NG MGA NAGWAGI SA 2023 BSKE, ISULONG

BINABATI natin ang mga nagwagi at naiproklama ng Commission on Elections sa nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections. Talaga namang naging mainit ang mga labanan at ang ilang kandidato ay pinersonal ang mga argumento na nauwi pa sa karahasan. Meron namang napabalitang pandaraya diumano tulad ng vote buying at vote selling. Kalaboso  ang kahahantungan ng mga gumawa nito.

Ang tanong nga ng karamihan dear readers, gaano ba kahalaga ang posisyon sa barangay at kailangan pang gawin ang mga bagay na hindi karapat-dapat? Ano nga ba ang totoong intensiyon o hinahabol ng bawat kandidato? Totoo nga kayang tapat na serbisyo, kapangyarihan o baka naman suweldo at pondong makukurakot ang pakay ng mga ito?

Siyempre masasagot lamang ito sa gagawin nilang performance matapos ang kanilang panunumpa sa December 1, 2023.

Huwag lamang nating kaliligtaan na may mga ipinangakong programa ang mga nahalal na may kaugnayan partikular sa kalinisan, edukasyon, peace and order at iba pang pangangailangang pambaranggay kabilang na din ang safety and health. Ang pagtupad sa mga pangako sa ilalim ng kanilang termino ang dapat nating bantayan.

Maliban sa background at performance ng bawat kandidato, ang mabulaklak na mga pangakong ito ang naging basehan ng ating mga kababayan kaya sila naluklok sa puwesto. Ayaw nating maging negatibo at hindi maling sabihin na mas madalas na sumasablay ang karamihan dito. Sabi nga ng ating kaibigan, “nangako na nga, gusto pang tuparin”, he-he-he.

Kung meron man sa mga kababayan natin na gumawa ng ipinagbabawal na vote selling, huwag na kayong umasa sa pangako ng nanalong kandidatong bumili sa dignidad at pagkatao ninyo. Tapos na ang kanilang obligasyon kaya wala na kayong karapatang magreklamo dahil bayad na kayo. Suwerte at hindi kayo nahuli ng mga awtoridad.

Kaya ang hamon natin sa mga nagwagi, gawing detalyado ang programang inilahad sa nakaraang kampanya. Makatutulong ang komprehensibong action plan para ito maipatupad gamit ang Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991 bilang basehan.