SAN FRANCISCO, United States — Sinusubukan ng Meta Platforms ang isang bayad na subscription tier para sa Instagram na magbibigay ng karagdagang feature sa privacy at content access, ayon sa kumpirmasyon ng kumpanya sa AFP.
Kabilang sa mga feature ang kakayahang tingnan nang hindi halata ang “Story” posts na karaniwang nawawala matapos ang 24 oras, gayundin ang mas mahigpit na kontrol kung sino ang maaaring makakita ng mga ibinabahaging larawan at video.
Ayon sa Meta, sinusubukan ang bagong subscription sa “ilang bansa sa buong mundo,” ngunit hindi tinukoy ang mga detalye.
Batay sa ulat ng TechCrunch, kabilang sa mga bansang sakop ng testing ang Japan, Mexico, at Pilipinas, kung saan tinatayang nasa $2 kada buwan ang bayad.
Nauna nang naglunsad ang Meta ng ad-free na bayad na bersyon ng Facebook at Instagram sa United Kingdom bilang pagsunod sa lokal na batas.
Samantala, matagal nang may premium subscription ang mga platform tulad ng Snap Inc. at X.
Iniulat ng Snap na may higit 25 milyong subscriber na ang kanilang premium tier at inaasahang aabot sa $1 bilyon ang taunang kita nito.
May kakayahan na rin ang mga content creator sa Instagram na maningil ng bayad kapalit ng eksklusibong content. RNT