Home NATIONWIDE Pakikipagkasundo ni PBBM ‘di lang para sa mga Duterte, para sa kapakanan...

Pakikipagkasundo ni PBBM ‘di lang para sa mga Duterte, para sa kapakanan ng taumbayan

177
0

MANILA, Philippines – MULING inulit ng Malakanyang na ang pakikipagkasundo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay hindi lamang sa mga Duterte kundi maging sa taumbayan.

Ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang hangarin na ito ng Pangulo ay hindi para sa kanyang personal na interest kundi sa interest ng nakararami at ng bansa.

“Alalahanin po natin, maliwanag, uulit-ulitin ko ang sinabi ng Pangulo, sa lahat ng tao gusto niya pong makipagkasundo para magkaroon ng stability, magampanan ang dapat magampanan at hindi madiskaril ang trabaho ng gobyerno. Ayaw po niya ng away. So ang awayan na ito ang siyang nagpapabagal sa trabaho ng gobyerno dahil puro paninira, puro fake news ang natatanggap ng Pangulo,” ang sinabi ni Castro.

“So, ang pakikipagkasundo sa lahat hindi lamang para sa mga Duterte ay tama lang po na gawain ng Pangulo bilang ama ng bansa. Magsasakripisyo na siya kahit siya na po iyong sinisiraan, kahit siya na po iyong binibigyan ng maling trabaho at binibigyang at ginagawaan ng peke na video – iyan po ang dapat na gawin talaga ng isang ama ng bansa,” aniya pa rin.

Hindi naman isinasantabi ni Castro ang direktang pagtumbok ngn Pangulo na pakikipagkasundo sa mga Duterte.

“Kaya nga po sinabi niya, “Opo kasama ang mga Duterte.” Pero huwag natin pong isentro sa mga Duterte. Ang sinabi niyang sumunod ay gusto niya pong makipagkasundo sa lahat ng tao. Ito po ang sinabi niya, “Ayaw ko ng gulo, gusto kong makasundo ang lahat ng tao mas maganda. So, kung isang parte po ang pakikipagkasundo sa mga Duterte, maganda po iyon,” ang litaniya ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na “Tandaan po natin, huwag po tayo mag-focus sa sinasabing open for reconciliation para lamang sa mga Duterte. Maliwanag po ang sinabi ng Pangulo, sa lahat ng tao na maaaring hindi kapareho ng kaniyang paniniwala, o ng prinsipyo, o ng polisiya. Mas maganda kung lahat ng tao ay makakasundo niya para po sa taumbayan para magkaroon na po nang tuluy-tuloy na pagtatrabaho para sa bansa.”

Kaya ang pakiusap ni Castro na huwag isentro ang ‘open for reconciliation’ sa mga Duterte.

“Hindi po gagawin ng Pangulo na lumabag sa batas para lamang sa isang rekonsilyasyon,” aniya pa rin. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here