MANILA, Philippines – ”You just cannot get evidence out of thin air!”
Ito ang buweltang tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa pagkuwestiyon ni Senador Rodante Marcoleta sa pagiging independent ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang body na mag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.
“Ang pagiging independent ng isang investigative body ay makikita kung ito ba ay impartial, walang kinikilingan, walang kinakampihan, walang tinatanggap na suhol o napapabalitang tumanggap ng suhol para ipagtanggol ang nasasabing sangkot,” ayon kay Castro.
“Ang ICI ay isang independent commission, magiimbestiga, at saan ba sila kukuha ng mga impormasyon? Sa lahat ng maaari nilang pagkakuhanan. You just cannot get evidence out of thin air. Magmumula rin ito sa mga dokumento mula sa gobyerno, hindi lamang ‘yun ang titingnan ng ICI, lahat ng anggulo na maaari nilang makuha para makumpleto ang ebidensya, kukuhanin po nila,” aniya pa rin.
Sa ulat, kinuwestiyon ni Marcoleta kung paano magiging “independent” ang ICI kung umaasa ito sa ibang ahensiya at sa Senado para makakuha ng impormasyon.
Aniya, dapat igalang ang separation of powers at hindi dapat maging parang investigative arm ng ICI ang Blue Ribbon Committee.
Itinatag ang ICI sa bisa ng Executive Order 94 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y para imbestigahan ang mga iregularidad at maling paggamit ng pondo sa flood control at iba pang proyekto sa loob ng nakaraang 10 taon.
Dahil dito, hiniling ni Marcoleta na imbitahin ang ICI sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kaugnay ito ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Maaari din itong magrekomenda ng kaso laban sa mga sangkot na opisyal o indibidwal. Kris Jose