Home TOP STORIES Palawan, Iloilo, Capiz sinuyod ni Villar

Palawan, Iloilo, Capiz sinuyod ni Villar

Upang mas maunawaan ang kalagayan ng mga nasa barangay, nakipagpulong si senatorial candidate Camille Villar sa iba’t ibang chapter ng Liga ng mga Barangay at mga lokal na opisyal sa Iloilo at Palawan noong Martes.

Sa kanyang talumpati sa convention ng Liga ng mga Barangay ng Cebu na ginanap sa Iloilo Convention Center, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng mga lider ng barangay sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan.

via Cesar Morales

Ayon kay Villar, ang network ng mahigit 42,000 barangay sa buong bansa ang nagsisilbing tulay ng pamahalaan upang marating ang mga komunidad.

“Noong pa man, isinusulong ko na—mga batas na magtataguyod ng kabuhayan, magbibigay ng trabaho, magpapaabot ng pangarap na bahay para sa mga Filipino, ipagpapatuloy ko po yan,” ani Villar.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng bawat barangay unit sa pagbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan at panlipunan, gayundin sa pagpapatupad ng mga proyektong pangkomunidad.

Dahil dito, nangako si Villar na patuloy niyang susuportahan ang mga hakbang na magpapalakas sa mga barangay at magbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga barangay workers.

Bilang isang mambabatas na nagsilbi sa dalawang termino, kilala si Villar sa pagsusulong ng mga programa para sa paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng entrepreneurship, at pagkakaroon ng disenteng pabahay para sa bawat Pilipino. Suportado rin niya ang mga inisyatibang nagpapalakas ng karapatan ng kababaihan at naglalayong pagandahin ang reproductive at maternal health services.

Sa harap ng mga kritisismo, tiniyak ni Villar na kung mabibigyan ng pagkakataong maglingkod sa Senado, ipagpapatuloy niya ang “brand” ng serbisyong pampubliko na nakaugat sa “Sipag at Tiyaga”—isang prinsipyong matagal nang kinakatawan ng kanilang pamilya.

“Ako po ang magiging bagong boses ninyo sa Senado nang sa gayon matugunan natin ang pangangailangan ng bawat pamilyang Filipino,” dagdag pa ni Villar.

Matapos ang kanyang pagbisita sa Iloilo, nagkaroon si Villar ng motorcade sa Capiz kung saan nakipag-ugnayan siya sa mga lokal na mayor sa Capiz Provincial Capitol.

Sa hapon, nagtungo naman si Villar sa Puerto Princesa, Palawan, upang dumalo at magbigay ng mensahe sa convention ng Liga ng mga Barangay ng Cavite. RNT