MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ang mga pambabatikos at pagpuna ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong President Ferdinand R. Marcos Jr. ay maaaring base sa maling impormasyon matapos kuwestiyunin ng una ang paraan ng paghawak ng Chief Executive sa krisis sa Gitnang Silangan.
Binira kasi ni VP Sara si Pangulong Marcos nang sabihin ng Bise-Presidente na maraming kakulangan bilang pinuno ng bansa si Pangulong Marcos.
Direktang sinabi ni VP Sara sa isang video na tila may pagkukulang ang Pangulo hindi lang sa pakikisimpatya sa taumbayan.
“Marami siyang kakulangan bilang Presidente. Hindi lamang sa pagbibigay ng simpatya at empathy sa ating mga kababayan,” ang sinabi ni VP Sara.
Tinuran pa ni VP Sara na bukod sa mga nauna niyang nabanggit, may mga problema at iskandalo sa paggamit ng pondo ng bayan na kailangang harapin si Pangulong Marcos.
“More than that ay ‘yong problema at iskandalo sa paggamit ng pera ng bayan,” ang tinuran pa rin ni VP Sara.
Ang tugon naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace press officer Claire Castro sa isang press briefing sa Mandaue City, Cebu sa pahayag na ito ni VP Sara ay “Napansin ko po na maaari na ganito ang nagiging sagot ng Bise Presidente dahil napi-feed siya ng mga maling impormasyon.”
Inihalimbawa ni Castro ang pagkuwestiyon ni VP Sara sa hindi pagsalubong ni Pangulong Marcos sa airport sa mga OFWs na ni- repatriate.
“So ngayon, dahil mali na iyong premise… kaya tuloy nasasabi nating nagiging source of fake news ang Bise Presidente,” aniya pa rin.
Kaya nga hinikayat ni Castro ang mga mamahayag na tiyakin na tama ang kanilang tanong para maiwasan ang pagpapalaganap ng misinformation.
“Mas maganda na maging neutral sa pagtatanong para makapagbigay naman ng matalinong sagot ang ating Bise Presidente,” anito.
Pinalagan naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara na maraming pagkukulang si Pangulong Marcos bilang pinuno ng bansa.
“Mas maganda po sana na gamitin muna ang mata at tenga bago ang bibig… kapag inuna natin ang bibig at hindi ginagamit ang mata, tenga, at utak, magkakamali tayo ng sagot,” ayon kay Castro.
Tila ipinamukha naman ni Castro kay VP Sara ang ginawa ng adsministrasyong Marcos na pag-roll out sa iba’t ibang mga programa kabilang na ang fuel subsidies para sa public transport drivers, mga magsasaka at mangingisda para mapagapaan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan. (KRIS JOSE)