MANILA, Philippines — Buong suporta ang ibinigay ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Camille Villar, isa sa mga pinakabatang kandidato sa pagka-senador, sa isang kampanya na ginanap sa Paco, Maynila kahit pa umambon ng bahagya.
Itinampok sa naturang rally ang buong lokal na slate ng “Yorme’s Choice” ni Moreno—kabilang sina Chi Atienza bilang vice mayoral candidate, Rep. Amado Bagatsing para sa 5th District, at buong line-up ng mga tumatakbong konsehal.
Sa harap ng masiglang mga tagasuporta sa Pedro Gil Street, tahasang inendorso ni Domagoso si Villar bilang isa sa kanyang mga senador para sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
“Pwede ba isingit na natin ito sa labing dalawa? Ang ating senador, Camille Villar!” sigaw ni Domagoso, sabay hiyawan ng mga dumalo.
Nagpasalamat naman si Villar sa endorsement at nangakong isusulong niya sa Senado ang mga panukalang batas na diretsong makikinabang ang mga Manileño—tulad ng suporta sa maliliit na negosyo, abot-kayang pabahay, gender inclusivity, at pagpapalakas ng kababaihan.
Ibinahagi rin ni Villar ang malalim na koneksyon ng kanilang pamilya sa lungsod. Aniya, ang kanyang ama na si dating Senate President Manny Villar ay lumaki sa Moriones, Tondo at nagsimulang magtinda ng seafood sa Divisoria—mga karanasang humubog sa kanyang malasakit sa karaniwang Pilipino.
Kagaya ni Domagoso, na anak rin ng Tondo at dating basurero, ipinagmamalaki ni Villar ang kanilang mga pinanggalingan bilang patunay na ang sipag, tiyaga, at tunay na serbisyo ay kayang magbago ng kapalaran.
“Iisa ang aming adbokasiya—ang siguruhing ang bawat Manileño ay may maayos na tirahan, dekalidad na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at kabuhayan,” saad ni Villar.
Sa kasalukuyan, si Isko Moreno ay nangunguna sa mga survey para sa pagka-alkalde ng Maynila, sa kanyang pagbabalik sa politika matapos ang tatlong taong pahinga. Lalo siyang tinatangkilik ngayon dahil sa kanyang track record sa serbisyo publiko at pamumunong may malasakit sa karaniwang tao. RNT