NAGPAHAYAG ng labis na kasiyahan at pasasalamat ang ama ng convicted overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules, sa pagsisikap nitong maiuwi sa Pilipinas ang kanyang anak.
“Nagpapasalamat po ako. Talagang maraming marami salamat po sa ating mahal na Pangulo at natugunan na rin po ang aming kahilingan na pauwiin na rin po si Mary Jane dito sa Pilipinas,” ang sinabi ni Cesar Veloso sa isang panayam sa radyo.
Pinasalamatan din niya ang pamahalaan at iba pa na tumulong sa kanyang anak na nakakulong sa Indonesia.
Taong 2010 nang mahatulan ng parusang kamatayan si Veloso dahil sa pagdadala ng 2.6 kilos ng heroin sa airport sa Yogyakarta.
Pero itinanggi niya na alam niya may droga ang ipinadala sa kaniyang maleta.
“After over a decade of diplomacy and consultations with the Indonesian government, we managed to delay her execution long enough to reach an agreement to finally bring her back to the Philippines,” ang sinabi ni Pangulong Marco sa kanyang official X account (@bongbongmarcos).
Nagpaabot naman ng kanyang taus-pusong pasasalamat si Pangulong Marcos kay Indonesian President Prabowo Subianto aat sa Indonesian government para sa kanilang ‘goodwill.’
Sinabi ng Pangulo na sumasalamin ito sa matatag na partnership ng Pilipinas at Indonesia. RNT