Home NATIONWIDE Panahon, Climate Change may epekto sa taas-presyo ng bilihin

Panahon, Climate Change may epekto sa taas-presyo ng bilihin

MANILA, Philippines – SINABI ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malaki ang epekto ng weather at climate change sa presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Ayon kay Ana Solis, chief Climate Monitoring ng PAGASA, dahil sa mga bagyo at epekto ng Climate Change ay malaki ang epekto nito sa pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin particular na ang mga agricultural product gaya ng bigas, gulay, at karne ng baboy at manok.

Sa ginanap na Quezon City Journalist Forum (QCJI) sa Quezon City ngayong Martes, Enero 21, sinabi ni Solis na malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga gulay at karneng baboy at manok sa mercado sa tuwing dumarating ang bagyo.

Nabatid pa kay Solis na ang weather ang isa sa pangunahing sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng dumating ang La Nina at El Nino nitong nakalipas na taon.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Quezon City Market Development and Administration Department (MDAD) chief Ret. Col. Alex Alberto na patuloy ang monitoring ng local na pamahalaan upang masiguro na walang magsasamantalang negosyante sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa lungsod particular na sa presyo ng bigas at gulay gaya ng kamatis at iba pa.

Ayon kay Alberto ginagawa ng QC government katuwang ang Department of Agriculture at sinisiguro ng pamahalaang lunsod na walang mga negosyante na magsasamantala sa presyo ng pangunahing bilihin sa lungsod.

“Ginagawa ng QC government at ng Department of Agriculture ang lahat upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa inflation at epekto ng weather “ ayon kay Alberto.

Sinabi pa ni Alberto na nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa mga negosyante sa public market (QC) upang tiyakin na hindi magtataas ng presyo ng bilihin ang mga trader. (Santi Celario)