Home HOME BANNER STORY Panawagan ni PBBM: ‘Solemn, peaceful’ na paggunita sa Undas

Panawagan ni PBBM: ‘Solemn, peaceful’ na paggunita sa Undas

MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sambayanang Filipino para sa “mataimtim at mapayapa” na paggunita ng All Saints’ Day, Nobyembre 1 at All Souls’ Day, Nobyembre 2.

“Isang mataimtim at mapayapang Undas sa ating lahat,” ayon sa Pangulo sa kanyang vlog na naka-upload sa kanyang official Facebook page.

Paalala rin ng Pangulo sa publiko na sundin ang mga patakaran o alituntunin sa pagbisita sa mga namayapa nilang mahal sa buhay sa sementeryo o  memorial parks.

Pinayuhan din niya ang mga biyahero na mag-ingat ngayong holiday break.

“Sa lahat po nang magbabakasyon o out-of-town ngayon, mag-ingat po tayo sa biyahe. Panatilihing malinis ang mga sementeryo at ingatan ang inyong mga kagamitan,” ayon sa Pangulo.

Sa ulat, handa namang umalalay sa publiko ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa 4,866 Police Assistance Desk na nakakalat sa iba’t ibang sementeryo at iba pang matataong lugar ngayong araw.

Ito’y kasabay na rin ng paggunita ng sambayanang Pilipino sa tradisyunal na Undas o All Saint’s Day ngayong araw gayundin sa All Soul’s Day bukas, November 2.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, maliban sa mahigit 27,000 pulis ay kanilang makakatuwang ang mahigit sa 22,000 force multipliers buhat naman sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang na rito ang tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga lokal na pamahalaan.

Kasama rin ani Fajardo ang Non-Government o Civic Organizations upang tiyaking magiging ligtas, maayos, at mapayapa ang paggunita ng Undas.

Muli namang nagpaalala si Fajardo sa publiko hinggil sa mga ipinagbabawal dalhin sa mga sementeryo ngayong Undas.

Samantala, nanawagan din ang Pangulo sa mga Pilipino na alalahanin ang katapangan, kagitingan ng mga santo at mga pumanaw.

Inihayag ni Marcos ang pakikiisa niya sa Catholic community sa paggunita ng panahon ng Undas.

“As we celebrate the saints’ staunch devotion and the legacies of those who have gone before us, let us reflect on our purpose and our unceasing need for God’s guidance. At the same time, let us remember the courage that our saints and dearly departed have shown amidst their plight so that we may be empowered to be bold in living with and Christ no matter the difficulties that we face in this world,” mensahe ng Pangulo sa kanyang Facebook account.

Tinuran pa nito na habang ipinagdiriwang ng mga Katolikong Filipino ang debosyon ng mga santo, mahalaga rin aniya na tandaan ang kanilang pagtitiwala kay Hesus.

“Let the examples of faith demonstrated by our forebears bind us all in appreciating the joy of leading a virtuous life here on earth as well as in recognizing the promise of eternal life through Jesus Christ,” wika niya.

“Our people’s earnest obedience to this holy obligation throughout the centuries has given birth to the traditions that we carry to this very day-traditions that display the essence of the Filipino culturea- and that is to give utmost importance to our faith and family,” ayon pa kay Pangulong Marcos. Kris Jose