MANILA, Philippines – Muling binasura ng Malakanyang panawagan ni VIce-President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa drug test para patunayan na hindi siya gumagamit ng ilegal na droga.
Para kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dapat na maisip ni VP Sara na noong nakaupo pa sa puwesto ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo ” Digong” Duterte, hindi rin siya sumunod sa kahalintulad na request.
“Did she also ask her father to undergo a drug test? Has she forgotten the previous spokesperson’s statement that a sitting President cannot be ordered to take a drug test?” ang sinabi ni Castro.
Matatandaang Agosto 2018, sinupalpal ng Palasyo ng Malakanyang ang hamon ni Senador Antonio Trillanes IV na magpa-drug test si Digong Duterte at ang kanyang pamilya.
Paliwanag ni Presidential spokesman Harry Roque, bilang pangulo ng bansa na isang halal ng bayan, walang sinuman ang maaring mag-utos sa Punong Ehekutibo na magpa-drug test.
Kung gagawin man aniya ito ng pangulo, dapat ay kusang hakbang at hindi dahil sa mando ng iilang tao.
Ang paulit-ulti na panawagan kay Digong Duterte na sumailalim sa drug test ay matapos na aminin nito na gumagamit siya ng marijuana upang manatiling gising na kalaunan ay binawi niya ang pahayag niyang ito at sinabing nagjo-joke lang siya.
Inamin din ni Digong Duterte na gumagamit siya ng fentanyl, isang napakalakas na painkiller na pinrescribed (prescribe) para sa kanyan spinal injury mula sa isang aksidente, sabay sabing para siyang nasa-“cloud nine” kapag gumamit siya nito.
Sa ulat, hinimok ni VP Sara si Pangulong Marcos na sumailalim sa drug test matapos ang binitawang alegasyon ni Senator Imee Marcos na gumagamit umano ang First Family ng ipinagbabawal na droga.
Sa isang panayam sinabi ni VP Sara na dapat magpakita ng resulta ang Pangulo upang mapatunayan na kaya pa nitong pamunuan ang bansa.
Ang buweltang pahayag ni Castro, mas pinili ni Pangulong Marcos na dedmahin ang akusasyon laban sa kanya lalo na ng kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos na gumagamit siya ng ilegal na droga at sa halip ay ipagpatuloy ang kanyang pagtatrabaho para sa mga mamamayan at sa bayan.
“President Marcos continues to work and pursue the corrupt — unlike others who showed signs of outbursts, cursing, making death threats, and uncontrollable anger issues,” ang sinabi ni Castro sabay sabing “That is the behavior of someone acting ‘out of touch,’ as if under the influence of illegal drugs.” (KRIS JOSE)