MANILA, Philippines – Nag-imbita sa publiko ang NASA na maaaring magpadala ng mga pangalan para isabay sa paglalakbay patungo sa Buwan bilang bahagi ng paparating na Artemis II mission.
Hinimok ng space agency ang publiko na ilista ang kanilang mga pangalan at mahal sa buhay para maisama sa flight.
Ang mga ipinasang pangalan ay ilalagay sa SD card at isasakay sa Orion spacecraft kapag inilunsad ang Artemis II ngayong taon.
Ang Artemis II ang magiging kauna-unahang crewed flight sa ilalim ng Artemis campaign ng NASA.
Apat na astronaut, ito ay sina Commander Reid Wiseman, Pilot Victor Glover, Mission Specialist Christina Koch, at Mission Specialist Jeremy Hansen ng Canadian Space Agency, ay lilipad patungo sa buwan at pabalik.
Ang 10-day mission ay ilulunsad sa Abril 2026 sakay ng Space Launch System (SLS) rocket ng NASA mula sa Launch Complex 39 sa Kennedy Space Center.
Ito ang kauna-unahang pagbiyahe ng tao sa SLS rocket at Orion spacecraft.
Maaaring gawin ang paglista ng mga pangalan sa official website ng NASA. RNT/JGC