LEGAZPI CITY, Philippines – Ipinagkatiwala ng Diocese of Legazpi Social Action Center sa pangangalaga ng Nuestra Señora de Salvacion ang buong lalawigan ng Albay kasunod ng muling pag-alboroto ng Bulkang Mayon.
Sa pahayag ng social action arm ng diyosesis, idinalangin nito ang kaligtasan ng mga residenteng nakatira malapit sa bulkan, lalo na ang mga pamilyang direktang maaapektuhan ng aktibidad nito.
“As Mayon Volcano shows signs of unrest, we entrust to the maternal care of Nuestra Señora de Salvación, Heavenly Queen of Albay, all our brothers and sisters, especially those living in communities near the volcano,” ayon sa Diocese of Legazpi SAC.
“We pray for their safety and protection, for the vigilance and wisdom of our authorities and disaster response personnel, and for the strength of families who may be affected by volcanic activity.”
Ipinanalangin din ng grupo ang maingat na pagbabantay at tamang pagpapasya ng mga awtoridad at disaster response personnel.
Hinimok naman nito ang publiko na manatiling alerto, makinig at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at magmalasakit sa mga higit na nangangailangan.
Ang Nuestra Señora de Salvacion ang patrona ng Diocese of Legazpi at kinikilalang makalangit na patrona ng lalawigan ng Albay.
Itinaas na ng PHIVOLCS sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa mataas na aktibidad nito. Iniutos na rin ng lokal na pamahalaan ang paglikas ng mga komunidad na nanganganib sa posibleng pag-agos ng lava, rockfall at pyroclastic density current. Jocelyn Tabangcura-Domenden