MANILA, Philippines – Naglatag si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng apat na action points upang magamit ng Sangay ng Hudikatura sa pagrereporma ng justice system ng Pilipinas matapos Bumagsak ang Pilipinas sa ika-97 puwesto sa 2026 World Justice Project Rule of Law Index.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on justice and human rights na nananawagan ng malawakan, masusi, at tuloy-tuloy na reporma ang ating sistema ng katarungan upang maramdaman ng pangkaraniwang mamamayan ang katarungan.
“Kailangan natin ng repormang mararamdaman ng ordinaryong Pilipino sa araw-araw, hindi ang impunity na nakikita natin sa pagpapatupad ng batas at pagresolba ng mga kaso — mula sa trapiko hanggang sa online scams at korapsyon. Ang pagpapabuti sa justice system ng Pilipinas ay pagpapabuti rin sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino,” aniya.
Aniya, inihayag ng WJP ang mga salik na nagtuturo ng direksyon: accountable government, freedom from corruption, transparency, fundamental rights, public safety, fair enforcement, at epektibong civil at criminal justice.
“Dapat manguna ang gobyerno, katuwang ang business, academe, civil society, at basic sectors,” giit ni Pangilinan.
Narito ang 4 action points sa pagrereporma ng justice system:
Una: Bigyan ng sapat na badyet ang Hudikatura
Dapat magkaroon ang hudikatura ng badyet na makapagbibigay ng masusukat na resulta. Ang badyet nito para sa 2027 na mahigit P86 bilyon at sa mga susunod na taon ay dapat kayang tugunan ang mahigit kalahating milyon — mahigit 637,000 — na kasong nakabinbin sa kalagitnaan ng 2026, bukod pa sa mga bagong kaso.
Pangalawa: Magtakda ng malinaw na target sa susunod na tatlong taon
Pinaikli ang tagal ng mga kaso; pababain ang workload sa mga siksikang korte — tiyak na mas mababa pa sa 5,000 kaso na hawak ng isang RTC judge sa Cabuyao, Laguna na naging dahilan ng kanyang pagbibitiw; lumikha at patakbuhin ang karagdagang korte kung kinakailangan; at bawasan ang judgeship vacancies mula sa humigit-kumulang 20 porsyento tungo sa single digit. Siyempre, dapat itong suportahan ng sapat na tauhan, legal aid, digital systems, at maayos na mga courthouse.
Pangatlo: Pataasin ang conviction rate, lalo na sa korapsyon
Ang hustisya ay nangangahulugan ng pananagutin ang may sala habang pinoprotektahan ang inosente.
Pagbutihin ang conviction rates, lalo na sa mga kaso ng korapsyon, sa pamamagitan ng mas malakas na imbestigasyon, mahusay na prosecution, at napapanahong paglilitis. Ang hustisya ay nangangahulugan na sinusunod ang due process, hindi isinasakripisyo.
“Ngunit hindi sapat ang pera lamang upang linisin ang sistema. Dapat nating harapin ang judicial corruption, na binanggit natin sa mga nominee sa harap ng Judicial and Bar Council (JBC). Dapat gabayan ng integridad ang appointments, promotions, oversight, at disciplinary action,” ani Pangilinan.
Pang-apat: Buuin ang JELACC
Para sa mga layuning ito, buuin ang Judiciary Executive Legislative Advisory and Consultative Council (JELACC), isang panukalang sinuportahan ng lahat ng chief justice nominees na ating nainterbyu sa kanilang JBC interviews.
Gamitin ang JELACC upang i-coordinate ang tuloy-tuloy na pondo at institutional reforms habang pinangangalagaan ang judicial independence.
Ang ating justice system ang lupa kung saan tumutubo ang kaunlaran. Kapag nilason at pinagod ng korapsyon at pagkaantala ang lupang iyon, nalalanta ang kabuhayan ng pamilya at pambansang ekonomiya.
“Kapag pinayabong ito ng pagiging patas at pananagutan, umuunlad ang tiwala ng publiko at oportunidad.” Ernie Reyes