Home OPINION PANGUNAHING POSISYON SA TRABAHO NA MAY MALAKING SAHOD SA PILIPINAS

PANGUNAHING POSISYON SA TRABAHO NA MAY MALAKING SAHOD SA PILIPINAS

Ayon sa isinagawang LFS o Labor Force Survey ng PSA o Phi­lippine Statistics Authority nitong April 2024, napag-alaman na ang mga pangunahing posisyon sa trabaho sa bansa na may malaking kita ay ang mga sumusunod:

Kumikita ng Php 1,400.00 bawat araw o katumbas ng Php 42,000 bawat buwan ang mga nasa managerial position. Sa depinisyon ng PSA, managerial positions ang direktang nag­dedesisyon sa mga plano, direksyon, koordinasyon at ebalwasyon ng kabuuang aktibidad ng isang kompanya, organisasyon o tanggapan ng pamahalaan.

Ang mga nasa larangan ng siyensiya, artistikong gawain,  legal professions at social services. Sila ang Professionals na may kitang Php 1,222 bawat araw o Php 36,660 sa isang buwan.

Mga sundalong bumubuo ng Armed Forces of the Philippines na nasa Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Air Force, at maging Philippine Marines na mayroong kitang Php 1,208 bawat araw o Php 36,240.

Ang mga technician at associate professional naman, mayroong arawang kita na Php 792.00 o Php 23,760 bawat buwan.
Kabilang dito ang mga gumagawa ng scientific applications, artistic concepts, operational methods, at mga regulasyon na inilalabas ng pamahalaan o pribadong negosyo.

Kumikita naman ng Php 728.00 kada araw o Php 21,840 ang mga nagbibigay ng clerical support katulad ng recording, organizing, storing information, at clerical duties na pagtatago at pag-aayos ng pera, travel arrangements, at pagkuha ng         ­appointments.

Bawat rehiyon sa bansa ay may kanya-kanyang ipinatu­tupad na pa-suweldo depende sa inaprubahan ng Regional Wage Board. Katulad sa National Capital Region (NCR) na ang minimum wage ay nasa Php 610.00 bawat araw o Php 18,300 kada buwan.

Lumabas din sa nasabing LFS ang mga trabaho na mas mababa ang kinikita sa kasalukuyang minimum wage ng NCR, at ito ay ang plant and machine operators na nasa Php 554.00 o Php 16,620; craft workers, Php 541.00 o Php 16,230; service and sales workers, Php 508.00 o Php 15,240.00; skilled agricultural, forestry and fishery workers, Php 443.00 o Php 13,290; at elementary occupations katulad ng basic maintenance, kitchen help, street sweepers, at cleaners na Php 403.00 o Php 12,090 bawat buwan.

Nasa 3.8 percent ang inflation rate ng bansa nang isagawa ng PSA ang nasabing LFS. Nakaaapekto sa purchasing power ng piso ang pagbilis o pagbagal ng inflation rate.