MANILA, Philippines- Muling nagpakita ang bulkang Taal ng minor eruption nitong Sabado ng umaga, base sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng state volcanologist na nagkaroon ang Taal volcano ng panibagong minor phreatomagmatic eruption ng alas-11:32 ng umaga, na tumagal ng apat na minuto.
Iniulat ng Phivolcs na nagprodyus ang nasabing event ng usok na umabot ng 2,000 metro sa itaas ng main crater, kung saan naiulat ang abo sa Agoncillo, Batangas.
Inihayag ng volcanology institute na nakapagtala ito ng limang phreatic events nitong Sabado at kabuuang 30 minor eruptive events mula Setyembre 22.
Dagdag nito, maliit ang posibilidad na ang pag-aalboroto ng bulkan ay magresulta sa major eruption.
Pinanatili ng Phivolcs ang Alert Level 1, nangangahulugan ng low level of volcanic unrest, subalit idinagdag na sakaling umigting ang phreatomagmatic activities, posibleng itaas ang Alert Level 2. RNT/SA