Home NATIONWIDE Pantabangan Dam nawalan na ng 1.5T litro ng tubig mula Nobyembre 2025

Pantabangan Dam nawalan na ng 1.5T litro ng tubig mula Nobyembre 2025

1
0

MANILA, Philippines – Bumaba ng 1.5 trilyong litro ang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam mula noong Nobyembre 2025.

Ito ay katumbas ng 37-meter na pagbaba o 630,000 Olympic-sized swimming pools.

Sa kasalukuyan ay nasa 176 metro ang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam na mababa sa normal operating level at limang metrong mas mataas na lamang sa critical level na 171 metro.

“Nag-start po ito nung November 13, ‘yung start po ng dry cropping period po namin. Dire-diretso na pong pababa hanggang ngayon po,” ayon kay Pantabangan Dam Division Manager Ronaldo Salazar.

Matatandaan na lumitaw na ulit ang mga lumang istruktura na nalubog sa Pantabangan Dam dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig dito.

Ito lamang ang ikalimang pagkakataon na nangyari ito mula noong 1970s. Ang mga ito ay naganap sa panahon ng El Niño mula 1982 hanggang 1983, 1997 hanggang 1998, 2015 hanggang 2016, 2023-2024, at 2026.

Sa oras na umabot sa kritikal na lebel ang tubig sa dam ay maaapektuhan na rin ang hydroelectric power plant.

Hindi naman inaasahan ng administrasyon ng Pantabangan Dam na mangyayari ito.

“Hindi po tayo aabot sa critical level dahil ang pinakamababa po natin na critical level ay 171.50 [meters], kaya ‘yung limang metro pa po makakaasa po ang mga magsasaka, kaya pa po natin magpatuloy ng patubig,” ani Salazar.

Nasa 152,000 ektarya ng sakahan sa buong Nueva Ecija, at ilang bayan ng Bulacan, Tarlac, at Pampanga ang umaasa sa Pantabangan Dam.

“Ang rainfall po from the forecast ng PAGASA, July [and] August, 100 percent pa rin po ‘yung rainfall na makakaasa po tayo na babagsak dito po sa Nueva Ecija, especially sa Pantabangan Dam sa area,” sinabi ni Salazar.

“And then ‘yung September, October po halos… 80 to 90 percent pa rin po ‘yung rainfall na maaasahan natin base sa forecast po ng PAGASA,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here