MANILA, Philippines – Sa hangarin na hindi na maulit pa ang sinapit ni Emman Atienza na naging biktima ng online bullying, isang panukalang batas na tinawag na Emman Act ang inihain ni Bacolod Rep Albee Benitez na naglalayong patawan ng multa na P1 milyon ang mga gagawa ng anumang uri ng online harassment.
Sa House Bill (HB) No. 5750 na inihain ni Benitez ay sakop nito ang cyberlibel, online hate speech, harassment kabilang ang inciting hatred o discrimination dahil sa gender o sexuality, cyberstalking at non-consensual sharing ng mga private information.
Ipinaliwanag ni Benitez na hindi naman sakop ng panukala ang mga public officials sa katwirang may karapatan ang publiko na batikusin o punahin ang mga nasa public service.
“I believe in free speech, and I believe that social media is a powerful platform—one that has given everyone a bullhorn to share ideas, express opinions, and hold those in power accountable. However, there are those who have used their freedom of expression to harass, malign, and spread hate online,” paliwanag ni Benitez.
Sa ilalim ng panukala ay papatawan ng arresto menor at multa na P20,000 hanggang P50,000 para sa online hate harassment kabilang dito ang insults, mockery o offensive remarks subalit hindi naman kasama ang threats, incitement, o doxxing;
Parusang Arresto mayor at multa na P50,000 hanggang P200,000 sa targeted online hate o harassment na magreresulta sa emotional distress, doxxing, cyberstalking at paggamit ng coordinated online mob harassment o hate campaigns;
Prision mayor naman at multa na P500,000 hanggang P1,000,000 para sa online harassment na katumbas ng incitement at kung ang lalabag ay public official o public employee.
Maliban sa ipapataw na parusa ay aatasan din ang mga digital platforms na tanggalin ang content na sentro ng cyberbullying o online harassment gayundin ang pagsuspinde at tuluyang ban sa mga user na sangkot sa ganitong prohited acts.
Magkakaroon din ng “trained flaggers” na syang magsasagawa ng content monitoring upang maalis ang mga content na nagpopromote ng bullying at gagawa din ng mekanismo para maging mabilis ang pagrereport ng mga pang aabuso.
Kung ang lalabag ay menor de edad ay isasailalim sa counselling kasama ang kanilang mga magulang.
Sinabi ni Benitez na layon ng kanyang inihaing panukala na maging ligtas ang online space.
“My goal for filing the bill is to make online spaces safer without making them silent, and to remind everyone that we can disagree without being disagreeable,” ani Benitez.
Si Emmna, 19 anyos ay anak ni Kim Atienza, kinitil nito ang sariling buhay dahil sa natatanggap na hate comments sa online at dumaranas ito ng mental health disorder kabilang na pagiging bipolar. Gail Mendoza