SA panlasa ng mga miron, masyadong “halata” at “garapal” ang panukala ni Senate Minority Leader Sen. Tito Sotto na ibaba sa 35-anyos, mula sa 40-anyos, ang edad para makatakbong presidente ng ‘Pinas at 30-anyos para naman makatakbong senador, sa katwiran na “magagaling” ang mga kabataan ngayon.
Malinaw kasi na ang unang mapapaboran ay ang kanyang pamangkin na si Pasig City Mayor Vico Sotto. 36-anyos na ngayon si Mayor Vico kaya 39-anyos pa lang sa 2028 presidential at senatorial elections.
At kung ang kasalukuyang limitasyon ng Konstitusyon ang pagbabatayan, ‘disqualified’ si Mayor Vico na makatakbo sa mga nasabing posisyon.
Oops! Wala tayong masamang tinapay o ano mang isyu kay Mayor Vico; isa tayo sa humahanga sa kanyang maayos na pamamahala sa Pasig. Totoo nga kasi ang sinabi ni Gat. Jose Rizal na “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.”
Subalit, hindi ba mas dapat pagtuunan ng pansin ang kwalipikasyon ng mga tatakbong senador at presidente? Malinaw na hindi kasi sapat ang itinakda ng Saligang Batas na basta ‘natural born Filipino’ at marunong bumasa at magsulat, pwede nang tumakbong presidente.
Eh, tingnan na lang ang sinapit ng bansa sa nakaraang higit 38 taon sapul nang maaprubahan ang ating ‘1987 Constitution.’ Umasenso, naging maayos ba ang buhay ng ordinaryong Pilipino sa ilalim ng pitong pangulo simula kay Corazon Aquino hanggang kay Pangulong Bongbong Marcos?
Tingnan din ang mga naging hanay ng ating mga mambabatas sapul noong 1987, tumaas ba ang kalidad ng ating Senado at Kongreso?
Aber, karamihan nga sa kanila ay mga anak na ng mga “trapo” o mga “bimpo” hindi ba? Mga “batang inaruga ng magulang para maging politiko.”
Sa iskandalo ng ‘flood control projects,’ pulos “gurang” lang ba na mga mambabatas ang sangkot? Hindi ba karamihan ay mga ‘so young and so corrupt’ din?
Sa halip “palutangin” ni Sotto ang panukalang pabor sa kanyang angkan, mas mainam na ayusin ang kwalipikasyon ng mga kandidato.
Para naman “parehas” sa lahat.






