Home NATIONWIDE Panukalang mga pagbabago sa nat’l budget ‘di awtomatikong insertion – Abante

Panukalang mga pagbabago sa nat’l budget ‘di awtomatikong insertion – Abante

3
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. na hindi dapat awtomatikong tawaging “insertion” ang mga pagbabagong iminumungkahi ng mga mambabatas sa taunang national budget.

Ayon kay Abante, mas angkop umanong tawagin itong amendments alinsunod sa kapangyarihan ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon.

“Actually, dapat ang tawag diyan, amendments, hindi kaagad insertion yun,” ani Abante sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Agosto 15.

Ipinaliwanag niya na ang Kongreso ay may tungkuling mag-deliberate at mag-enact ng appropriations, ngunit ang Executive branch ang nagpapatupad ng mga pondong naaprubahan.

Ginawa ni Abante ang pahayag habang naghahanda ang Kamara sa deliberasyon sa panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027, kasunod ng mga kontrobersiya sa mga umano’y insertion na nauwi sa mga anomalous flood control projects noong mga nakaraang taon.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang pagkakaiba ng pagmumungkahi ng mga proyekto para sa isang congressional district at pakikialam sa implementasyon ng mga ito matapos maaprubahan ang pondo.

Aniya, maaaring magmungkahi ang isang kongresista ng mga kinakailangang proyekto para sa kanyang distrito, ngunit hindi dapat makialam sa bidding at pagpapatupad ng proyekto.

“Hindi dapat nakikialam ang Congressman diyan. Ako hindi ako nakikialam. Whoever gets the bid na sinasabi nating tama, ay yun ang mangyayari sa aking distrito,” sabi niya.

Iginiit ni Abante na maaaring magmungkahi ang isang kongresista, ngunit hindi niya pagmamay-ari ang appropriations.

Dagdag pa niya, ang kapangyarihan ng Kongreso sa pagbuo ng national budget ay ginagamit sa ngalan ng mga taxpayer na siyang nagpopondo sa mga programa at proyekto ng pamahalaan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here