MANILA, Philippines- Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz nitong Biyernes na malabong maging state witness si Bamban Mayor Alice Guo.
“In this case, talagang nakikita natin parang si suspended Mayor Alice Guo ‘yung isa sa pinaka most guilty. So tingin ko hindi papasa ‘yan,” pahayag ni Cruz sa isang panayam.
Aniya pa, “Para sa akin po medyo malabo po ‘yun.”
Noong nakaraang linggo, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio na ikokonsidera lamang nilang gawin si Alice Guo na state witness kung may maituturo itong mas mataas sa kanya.
Subalit, iginiit din ni Casio na sinumang state witness ay kailangang maging “least guilty” sa buong “conspiratorial chain.”
“Lahat nagpo-point sa kanya eh, so parang siya ‘yung most guilty eh,” wika ni Cruz.
Iniimbestigahan si Guo dahil sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban na sangkot umano sa ilegal na aktibidad kabilang ang crypto at love scams.
Naghain na ng reklamo ang mga awtoridad laban kay Guo at 13 iba pa sa paglabag sa Sections 4 at 6 ng Republic Act (RA) 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 as amended by RA 10364, as further amended by RA 11862.
Tinukoy si Guo bilang “a.k.a Guo Hua Ping” sa reklamo. Napag-alaman ng National Bureau of Investigation na iisa ang fingerprint ni Guo at Guo Hua Ping.
Ipinag-utos naman ng Senado ang paglalabas ng arrest order laban kay Guo matapos hindi dumalo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa sinalakay na POGO hub.
Hiniling ni Guo sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang subpoena na ipinalabas laban sa kanya. RNT/SA