PIHADONG nagtatawanan ngayon ang mga hacker sa inilunsad na “Oplan Cyber Dome” ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center at Department of Information and Communications Technology.
Ipinagmamalaki ito ni Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso bilang bagong sandata ng pamahalaan laban sa lumalalang cybercrimes. Ngunit habang ipinapakita niya ang programang ito, marami ang nagdududa kung may tunay ba itong kapasidad na protektahan ang ating cyberspace mula sa mga patuloy na pag-atake.
Hindi na bago ang problema. Paulit-ulit nang naparalisa ang operasyon ng negosyo at ilang ahensya ng gobyerno dahil sa mga hacker na tila libangan na ang pag-offline ng mga website. At kahit may mga anunsyo ng pagpapalakas ng cybersecurity, napatunayan noong Nobyembre 5 na malayo pa tayo sa “secured cyberspace” nang matagumpay na naisara ng grupong HappyGoLuckyPH ang mahigit 60 websites ng Philippine National Police o PNP—habang si Usec. Paraiso ay abala sa pagpapakilala ng bagong programa.
Humigit-kumulang 70% ng mga industrial organization sa Pilipinas ay napasok ng mga hacker noong 2023. Sa huling tatlong buwan ng 2025, sumirit pa ng 49% ang cyber attacks kumpara sa nakaraang taon. Sa ganitong datos, may batayan ang taumbayan na pagdudahan kung bakit isang political appointee—na higit umanong kilala sa pagiging “malapit” kay First Lady Liza Araneta-Marcos at PCSO General Manager Mel Robles—ang nakaupo bilang tagapamuno sa CICC sa halip na isang eksperto sa cybersecurity.
Hindi masama ang pagiging political appointee. Ngunit kung nananatiling mahina ang cyber technological safeguards at cyber defense ng bansa, may dahilan ang publiko para kwestiyunin ang kakayahan ni Usec. Paraiso.
Lalo na ngayong maraming opisyal na ang nawala sa pwesto—kasama sina Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui, Executive Secretary Lucas Bersamin, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at PLLO Chief Adrian Bersamin—na itinuturing na bahagi ng “reset” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kung nais talagang maging ligtas ang digital environment ng bansa at mabawasan ang pagkadismaya ng mga Pinoy sa administrasyon, kinakailangan nang mag-“five-S” muli o sort, set in order/ systematize, shine, standardize, and sustain sa CICC kabilang ang paglalagay ng opisyal na may tunay na expertise, integridad, at competence.
Ang cybercrime ay hindi lang istorbo—isa rin itong banta sa national security, pabigat na pumipigil sa pag-unlad at sumisira sa tiwala ng publiko sa cyberspace.






