MANILA, Philippines— LAGLAG ang isang pulis sa kanyang mga kabaro at tatlong kasama nito matapos maharang habang nagbibiyahe ng mga smuggled cigarettes, iniulat kahapon sa Iligan City.
Ayon sa Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG), nagsasagawa ng plate-spotting at anti-carnapping operation ang mga tauhan ng City Highway Patrol Team–Iligan nang tangkain nilang pahintuin ang isang itim na pickup truck.
Sa halip na huminto, humarurot ang sasakyan kaya’t nagkaroon ng habulan, na nauwi sa pagkakahuli ng mga suspek.
Sa inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga kahon ng hinihinalang smuggled cigarettes, isang 9mm pistol, dalawang magasin na may 30 bala, at iba pang gamit.
Isa sa mga naaresto ay isang police staff sergeant na nakatalaga sa isang municipal police station sa Lanao del Norte. Patuloy pang iniimbestigahan kung siya ang lider ng grupo.
Kasama rin sa mga naabutan sa sasakyan ang isang 14-anyos na menor de edad, na agad dinala sa Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa wastong pangangalaga.
Sa pahayag ni PNP-HPG Acting Director Col. Hansel Marantan, posibleng humarap sa mas mabigat na kaso ang grupo kung aabot sa higit ₱10 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando.
“Kung lampas ₱10 milyon ang halaga, walang piyansa. Hindi namin poprotektahan kahit kapwa pulis kung may nilabag sa batas,” giit ni Marantan.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong illegal possession of firearms, resistance and disobedience to a person in authority, at paglabag sa customs at anti-smuggling laws. (Mary Ann Sapico)