MANILA, Philippines – Arestado ang isang pulis matapos maaktuhan sa CCTV na nagpapaputok ng baril sa isang komunidad sa Marilao, Bulacan hatinggabi ng Setyembre 1.
Sa report, nakita ang pulis na nagpapaputok ng baril sa Northville IVB, Barangay Lambakin, Marilao.
Ayon sa mga residente, ang insidente ay nangyari hatinggabi kung saan nasa loob na ang mga ito ng kani-kanilang mga tahanan.
Hindi anila kilala ang lalaking nagpaputok.
Natanggap naman ng Marilao police ang tawag mula sa concerned citizen sa pamamagitan ng 911.
Sa kabila nito, nang dumating ang mga pulis ay hindi na naabutan ang lalaki at walang residente ang handang tumestigo.
Dito na nakakuha ng lead ang pulisya matapos mag-viral online ang CCTV footage ng insidente.
Nadiskubre na lamang ng mga awtoridad ang suspek na isang pulis na nakatalaga sa Valenzuela City.
Samantala, sinabi ng Marilao police na walang nasaktan sa insidente ngunit hindi pa narerekober ang baril na ginamit ng suspek.
Nasa kustodiya na ng Marilao Police Station ang pulis na suspek at sasampahan ng reklamong illegal discharge of firearms.
Sinabi ng National Police Commission (NAPOLCOM) na hahawak ng opisina nila sa Region III ang administrative cases na isasampa laban sa suspek na maaaring kabilang pa ang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
“Grave misconduct saka conduct unbecoming of a police officer,” pahayag ni NAPOLCOM Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan.
“Ang baril ay hindi basta-basta pinuputok na lamang. Meron kadahilanan para bumunot at magpaputok ng baril at definitely hindi para manakot ng iyong mga kapitbahay,” dagdag pa niya.
Ang posibleng parusa para sa naturang pulis ay suspensyon, demotion, at dismissal sa serbisyo. RNT/JGC