Home OPINION PARANG CARTEL NA GALAWAN

PARANG CARTEL NA GALAWAN

253
0

ALAM ng kahit sinong estudyante na may limitasyon ang panunungkulan ng isang kongresista. Tatlong sunod-sunod na termino lang, tapos pahinga muna. Iyan ang itinakda ng ating Konstitusyon para hindi mamihasa ang mga politiko, at para maiwasan ang abuso at katiwalian. Pero kung ang apelyido mo ay Romualdez, parang pwedeng isantabi ang mga nakatakda sa batas.

Kamakailan lang, sa sobrang “swerte” ni Yedda Romualdez, bigla na lang nag-resign nang sabay-sabay ang ikatlo, ikaapat, at ikalimang nominee ng Tingog party-list. Coincidence ba ‘yan o scripted? Sa sobrang galing ng timing, nagbukas bigla ang pinto para makabalik si Yedda sa Kongreso bilang ikaanim na nominee. Aba’y parang teleseryeng halata ang plot twist!

Kung tutuusin, ito na ang pang-apat na sunod na termino ni Yedda Romualdez sa Kamara—isa bilang district representative at tatlo bilang party-list. Hindi ba’t malinaw na nilalabag nito ang tatlong term limit ng Saligang Batas? Hindi ba’t ito ang mismong iniiwasan ng ating batas, ang magdikit-dikit ang kapangyarihan at kapamilya sa iisang institusyon?

Dito dapat pumasok ang Commission on Elections. Hindi sapat ang simpleng “noted” sa resignation ng mga nominee. Dapat nilang i-review at pigilan ang halatang pag-abuso sa loophole ng party-list system. Dahil kung ito’y palalampasin, binibigyan natin ng lisensiya ang mga makapangyarihan na baluktutin ang batas para sa kanilang interes.

At bakit nga ba ganito kadesperado ang mga Romualdez na manatili sa Kamara? Siguro’y may kinalaman sa budget na napakalaki ng itinaas ngayong 2025. Ayon sa dokumento ng Bicameral Conference Report, ang budget ng House of Representatives ay tumaas mula P16.3B at naging P33.67B — mahigit doble! Samantalang halos lahat ng ahensya ng gobyerno ay may kaltas, ang Kongreso ay jackpot.

Hindi ba’t masyado namang convenient na habang may bilyon-bilyong budget ang Kamara, ay pinipilit ding maipasok muli sa pwesto si Yedda Romualdez? Hindi ba’t dapat iniimbestigahan ito, imbes na tinatanggap na parang normal lang?

Saan na napunta ang delicadeza? Wala na bang hiya? Ang pamumuno ay hindi dapat namamana o napapasa-pasa sa mag-anak. Ang serbisyo publiko ay hindi negosyo, o negosyo ng pamilya. Kung tunay kayong naglilingkod, huwag naman sanang mas masahol pa sa dynasty, at parang cartel na ang galawan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here