HINDI na pinasakay sa kanyang biyahe patungong Singapore ang isang pasahero kamakailan, matapos siyang magbiro ng may dala-dalang granada habang dumaraan sa security check ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sa Pasay City.
Ayon sa Philippine National Police–Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), tinanong ng security personnel ang pasahero kung ano ang laman ng kanyang bag. Bilang sagot, pabiro nitong sinabi na mayroon siyang dalang granada.
Kaagad na ipinatupad ng PNP-AVSEGROUP ang kanilang security protocol. Rumesponde ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team at Canine Unit upang masusing siyasatin ang bagahe ng pasahero. Sa isinagawang inspeksyon, walang natagpuang pampasabog o anomang delikadong bagay.
Pero nagpasya ang airline na i-offload ang pasahero at isinama siya sa blacklist ng kompanya, kaya hindi na siya pinayagang makasakay sa kanyang nakatakdang biyahe. Bagama’t hindi na nagsampa ng kaso ang airline management, nanatili ang parusa sa pasahero dahil sa kanyang ginawang pahayag.
Binigyang-diin ni AVSEGROUP chief PBGen. Dionisio Bartolome na walang puwang ang anomang uri ng biro tungkol sa bomba sa loob ng paliparan.
Aniya, nananatili ang zero-tolerance policy ng ahensya pagdating sa seguridad ng mga pasahero, tauhan, at pasilidad ng paliparan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang mga biro o pahayag tungkol sa bomba sa mga paliparan dahil ang kahit anong pahayag tungkol sa bomba o pampasabog ay itinuturing na potensyal na banta. Maaari itong magdulot ng takot, panic, at kaguluhan sa mga pasahero at airport personnel.
Alinsunod sa Presidential Decree No. 1727, ang pagbibiro o pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa bomba o pampasabog ay isang kriminal na paglabag. Ang sinomang mapatunayang nagkasala ay maaaring makulong nang hanggang limang (5) taon, pagmultahin ng hanggang Php 40,000, o parehong parusa, depende sa pasya ng hukuman.
Ang seguridad sa paliparan ay seryosong usapin. Ang anomang salitang binibigkas, kahit pabiro, ay maaaring magkaroon ng mabigat na kapalit.
Hinihikayat ang lahat ng pasahero na maging responsable at maingat sa kanilang pananalita upang maiwasan ang abala, parusa, at panganib sa sarili at sa kapwa pasahero.






