MANILA, Philippines – Hiniling ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa Department of Justice (DOJ) na kanselahin na ang pasaporte ni
dating Ako Bicol Representative Elizaldy Co, na idinadawit sa umano’y kaugnayan sa maanomalyang public works projects.
Sa panayam, kinumpirma ni Dy na humingi na siya ng tulong kay dating Justice Secretary at ngayon ay Ombudsman Jesus Crispin Remulla para pagbawalan ang pagbiyahe ni Co sa ibang bansa kasunod ng pagbibitiw nito mula sa Kamara noong Setyembre 29.
“I told him (Remulla) that (if possible), let’s pursue the fastest way to cancel his passport to restrict his movements,” ani Dy.
Si Co, na nagsilbing House appropriations committee chair sa 19th Congress, ay nahaharap sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects at ang pagkakaugnay ng kanyang kompanyang Sunwest Inc.
Siya at si dating Speaker Martin Romualdez ay inaakusahang utak sa irregular insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at ang pagtanggap ng kickbacks mula sa ghost at substandard projects.
Ipinaliwanag ni Dy na habang ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang may kapangyarihan sa pormal na pagkansela ng mga pasaporte, humingi rin siya ng tulong sa DOJ dahil ito naman ang may hawak sa Bureau of Immigration at makakatulong na mapabilis ang coordination process.
Kung babalik si Co sa Pilipinas, ang kaso ay ipapasa sa DOJ o Independent Commission for Infrastructure (ICI), na ngayon ay nangunguna sa imbestigasyon sa mga anomalya sa public works projects. RNT/JGC