Home HOME BANNER STORY Pasaporte nina Garma, Leonardo pinakakansela ng korte sa Barayuga slay case

Pasaporte nina Garma, Leonardo pinakakansela ng korte sa Barayuga slay case

296
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) sa Department of Foreign Affairs ang pagkansela sa mga pasaporte nina retired police colonel Royina Garma at dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo na may kaugnayan sa murder case ni Philippine Charity Sweepstakes Office Board Secretary Wesley Barayuga.

Ito ay matapos na mag-isyu rin ang Mandaluyong RTC Branch 279 ng hold departure order laban kina Garma, Leonardo at kanilang co-accused na sina Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza, ex-police officer Nelson Mariano, at Jeremy Causapin.

Bukod kina Garma at Leonardo, ipinag-utos din ng korte ang kanselasyon ng mga pasaporte nina Mendoza, Mariano, at Causapin.

“As holders of valid Philippine Passports, there exists serious risk that they will flee from the jurisdiction of the court to evade trial and punishment,” ayon sa korte.

Sinabi na ang limang akusado ay hindi nagpakita sa korte, sumuko o nagpasakop sa hurisdiksyon ng korte.

Sa apat na pahinang kautusan, ibinasura ng korte ang mosyon nina Garma at Leonardo na suspendihin ang pagdinig.

Ipinag-utos din ng korte na mananatili sina Mendoza at Mariano sa kustodiya ng National Bureau of Investigation.

Sina Mendoza at Mariano ay inaresto dahil sa kaugnayan sa pagkamatay ni Barayuga.

Naghain naman ng not guilty plea ang abogado nilang si Atty. Raymund Palad.

Itinakda ang pre-trial conference sa Nobyembre 12.

Si Garma ay nahaharap sa reklamong murder at frustrated murder para sa umano’y pag-uutos na ipapatay si Barayuga noong 2020.

Siya ay naipa-deport mula sa Estados Unidos noong Setyembre matapos na tanggihan ng US ang asylum application nito.

Sina Garma at Leonardo ang tinukoy bilang mastermind sa pagpatay kay Barayuga sa pagdinig ng House Quad Committee.

Itinanggi naman nila ang mga alegasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here