Home METRO Paslit ginahasa ng lolong tigang

Paslit ginahasa ng lolong tigang

Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng 10 anyos na babaeng grade 3 student na umanoy ginahasa ng 66 anyos na matandang binatang kapitbahay sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa pangalang Mang Blake habang ang biktima ay itago sa pangalang Enihs kapwa residente ng Brgy. Minuyan Proper.

Sa report ni SJDM police OIC P/Lt. Col. Ariel Narboada, nangyari ang insidente bandang alas 9 ng umaga nitong Hunyo 27 at nai-report sa pulisya kinabukasan ng umaga sa naturang lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sa kasagsagan nang panunuod ng youtube ng biktima sa cellphone ng ina sa kanilang bahay ay dumating ang suspek.

Nabatid na inuto ng matandang suspek na pumunta sa kuwarto niya ang biktima na pinaunlakan nito hanggang sa tuluyang gahasain.

Nang isumbong ng biktima sa kanyang 50 anyos na ina ang nangyari ay agad silang nagsumbong sa PCP 5 na agad rumesponde kaya naaresto ang suspek.

Sinasabing nakatakdang dalhin ang biktima sa Regional Forensic Unit 3 para sa medico legal habang ang suspek na nahaharap sa kasong rape ay nakakulong sa naturang himpilan. (Dick Mirasol III)