MANILA, Philippines- Patay ang isang dalawang taong gulang na babae nang bumigay umano ang kanilang bahay dahil sa malakas na hangin sa Barangay Taluksangay, Zamboanga City nitong Sabado ng umaga.
Base sa lokal na pamahalaan, tinamaan ang bata ng debris. Isinugod ito sa ospital subalit hindi na ito umabot nang buhay.
Nagresulta rin ang masamang panahon sa lungsod sa power interruption na nakaapekto sa ilang lugar.
Hanggang alas-3 ng hapon nitong Sabado, mahigit 1,000 pamilya ang inilikas mula sa flood-hit barangays.
Kabilang sa mga barangay ang Tumaga, Guiwan, Pasonanca, Putik, San Jose Gusu, Tugbungan, Taluksangay, Sta. Maria, at Tetuan.
Patuloy ang pagsasagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWD) ng profiling sa iba pang mga apektadong lugar.
Sinabi ng state weather bureau PAGASA na dulot ang masamang panahong naranasan sa lungsod ng southwest monsoon. RNT/SA