MANILA — Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila ngayong Miyerkules, Setyembre 9, 2026, dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha.
Ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang suspensyon kasunod ng rekomendasyon ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD).
Ayon sa MCDRRMD, nakataas ang Orange Rainfall Warning sa buong National Capital Region (NCR) dahil sa thunderstorm na dala ng Habagat.
Nakapaloob sa advisory na ipinatupad ang suspensyon alas-8 ng umaga at inaasahang mananatili ang orange rainfall warning hanggang alas-11 ng umaga.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga paaralan na ipatupad ang Alternative Delivery Mode (ADM) para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante.
Hinimok naman ang mga mag-aaral, guro at mga magulang na manatiling alerto at unahin ang kaligtasan habang patuloy ang masamang panahon.
Patuloy namang mino-monitor ng MCDRRMD ang sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng Maynila, partikular ang mga lugar na nakararanas ng pagbaha. JAY Reyes